NAGKALOOB ang National Housing Authority (NHA) ng kabuuang P64,020,000 tulong-pinansyal sa 2,134 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Parola, Tondo, Maynila noong Mayo 23, 2026.
Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang pamamahagi ng ayuda nitong Mayo 29, 2026 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) kung saan tumanggap ng tig-P30,000 ang bawat benepisyaryo.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. matapos nitong bisitahin kamakailan ang mga apektadong residente at iutos sa NHA ang agarang pagbibigay ng tulong.
Kabilang sa mga nakinabang sa ayuda ang mga pamilya mula sa Brgy. 275, Zone 25, Parola Compound partikular sa Gate 46, 52, 54, 56 at 58.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni GM Tai na mananatiling handa ang NHA sa paghahatid ng agarang tulong at mga programang pabahay sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa NHA, layunin ng EHAP na tulungang muling makabangon ang mga biktima ng sunog, pagbaha, lindol at iba pang sakuna.
Kinilala rin ng ahensya ang suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa mabilis na distribusyon ng ayuda.
Ginanap ang aktibidad sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex o dating Delpan Sports Complex sa Maynila na dinaluhan din nina Manila Urban Settlements Office Head Jay Delafuente, NHA West Sector Regional Manager Cromwell C. Teves at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan at NHA.
(DANNY QUERUBIN)
103 