HINDI na parurusahan ang mga taong nangangalunya at nakikiapid kapag naipasa ang isang panukalang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 1340 o An Act Decriminalizing Adultery and Concubinage na inakda ng Makabayan Bloc, nais nilang amyendahan ang Article 333 at 334 ng Revised Penal Code (RPC).
Ipinaliwanag ng grupo na ang nasabing batas ay hindi patas dahil pabor lang sa kalalakihan.
Sa ilalim ng Article 333, agad maparurusahan ang isang babae na nakipagtalik kahit isang beses sa hindi nito asawa habang sa Article 334, kailangang mahuli sa eskandalosong sitwasyon o kaya ibahay ng isang lalaki ang kanyang kabit.
“Article 333 and 334 of the RPC, which criminalize marital infidelity (that of having sexual intercourse with person other than his/her spouse), clearly discriminate against women spouses,” paliwanag ng nasabing grupo sa kanilang panukala.
Ginagamit din umano ang nasabing batas laban sa kababaihan para makuha ng kanilang asawa ang kustodiya sa kanilang mga anak.
Bukod dito, nagagamit din umano ng mag-asawa ang nasabing mga batas upang matuloy lamang ang kanilang annulment kaya panahon na para burahin ang parusa lalo na’t 1930 pa umano ito ginawa.
Sakaling maging batas, lahat ng mga kasong nakasampa sa mga korte na may kaugnayan sa pakikiapid ay agad ibabasura at palalayain ang mga nasentensyahan sa mga nabanggit na kaso. (BERNARD TAGUINOD)
258 