PUNA Ni JOEL AMONGO
BILANG isa rin ang PUNA na nabigyan po ng pribelihiyo na magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho ay sang-ayon po tayo sa nakapaloob sa Republic Act 10913.
Batay sa inilabas ng Land Transportation Office (LTO) na RA 10913 ay ipinagbabawal sa lahat ng mga motorista ang paggamit ng ano mang communications devices, habang ang kanilang minamanehong sasakyan ay umaandar, maging diplomatic, public o private kahit pansamantala na nakahinto sa traffic light o intersection.
Kasama sa mga ipinagbabawal ay ang ‘composing, sending or reading text messages, making or receiving calls, watching TV shows or movies and other video types, surfing the internet, making calculations, reading e-books, playing games’.
Exempted dito ang paggawa ng ’emergency calls and Emergency Service Agencies (electric, gas, water, chemical spill), including entities responding to emergencies, e.g., healthcare providers, fire department, police’.
May kaakibat itong multa na mga sumusunod: First Offense – Five thousand pesos (Php5,000.00), Second Offense – Ten thousand pesos (Php10,000.00), Third Offense – Fifteen thousand pesos (Php15,000.00) and three (3) months suspension of driver’s license, Fourth Offense – Twenty thousand pesos (Php20,000.00) and revocation of driver’s license for succeeding offenses.
Kaya po sumang-ayon tayo, lalo na ang mga nagmamaneho sa mga pampublikong sasakyan dahil kapag naaksidente sila sa pagiging abala nila sa pagte-tetxt, pagtawag palabas man o papasok ng driver ay maraming tao ang kanilang mapeperwisyo.
Nawawala kasi sa konsentrasyon ang driver sa kanyang pagmamaneho dahil sa pakikipag-usap niya sa tawag o text sa kanyang cellphone.
Nawawala rin sa focus ang driver kaya kadalasan pinagmumulan ito ng aksidente sa kalsada.
Ngayon kung talagang gusto n’yong sagutin ang tawag o text message sa inyo habang hawak ninyo ang manibela ay maaari namang tumabi sa isang gasolinahan at kayo ay makipag-usap o makipag-text para siguradong walang aksidenteng mangyayari sa inyo at ‘di kayo makadamay sa iba pang motorista.
Naging karanasan natin ‘yan na minsan ang aking sinasakyang UV express ay muntik nang maaksidente dahil sa pagiging abala ng driver sa pakikipag-text.
Imbes na nakatingin siya sa harapang kalsada na tinatahak namin ay sa cellphone siya nakatutok para sa pagte-text.
Nawawala ang focus ng driver sa kanyang pagmamaneho at nawawala ang kanyang pagiging alerto para maiwasan niya ang kanyang mga nakakasalubong na mga sasakyan.
Kaya ang resulta, aksidente ang inaabot ng mga driver.
‘Pag nagkaroon ng aksidente, lahat ay apektado maging ang hindi naman sangkot sa aksidente.
Para maiwasan natin ang aksidente ay sundin natin ang batas na ito (RA No.10913).
Hindi gagawa ng batas ang ating mga kongresista at senador para sa ikapapahamak ng mga Pilipino.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
2736
