(CHRISTIAN DALE)
MAHIGPIT na susuriin ng gobyerno ang mga bodega sa bansa para malaman kung totoo o gawa-gawa lang ang kakapusan sa suplay ng asukal.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ang susunod na hakbang ng pamahalaan ay ang alamin kung ang kakapusan ng asukal ay artificial.
“Subaybayan n’yo po at tuluy-tuloy kasi ‘yung operasyon natin dito sa pagi-inspect ng mga warehouses so we can get to the bottom of what appears to be an artificial shortage,” ayon kay Cruz-Angeles.
Sa katunayan, sinampolan ng mga ito ang bodega sa Pampanga at Bulacan para i-check kung nagtatago ng asukal.
Bilang tugon sa naging kautusan ni Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez, sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa pamumuno ni officer-in-charge Joeffrey Tacio at Enforcement and Security Service (ESS), ang bodega sa Kaypian Road, Brgy. Kaypian sa San Jose del Monte, Bulacan.
Armado ng Letter of Authority na nilagdaan ni BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, natuklasan ng mga operatiba ng CIIS-ESS na may 25,000 hanggang 30,000 sako ng iba’t ibang klase ng asukal ang maayos na nakasalansan sa bodega na pag-aari ng isang Victor Chua, nagsabing ang kanyang sugar stock ay “locally purchased.”
“Whether or not it is artificial will depend on the evidence produced by these warehouse operations,” dagdag na pahayag nito.
At sa tanong kung maglalaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng lahat ng “sugar output for crop year 2022-2023 para sa domestic use, sinabi ni Cruz-Angeles , “Depende po ‘yan sa magiging findings natin.”
“Ang tinitingnan natin sa ngayon ay kung artificial ba ang shortage ng asukal o hindi at ang paga-allocate po ay magiging base sa kung mayroon ngang kakulangan o hindi. So titingnan pa po natin,” ang wika ni Cruz-Angeles.
Nauna rito, kinumpirna ni Cruz-Angeles na may panukalang mag-angkat ang bansa ng 150,000 metric tons ng asukal.
Matatandaang, ibinasura ni Pangulong Marcos ang panukalang mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa gitna ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
