BILANG tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bulilyaso ang panibagong tangkang smuggling ng mga imported na carrots sa mas mahigpit na pagsusuri ang ipinatutupad sa Manila International Container Port (MICP) sa naturang distrito.
Sa kalatas ng MICP, kumpiskado sa pinagsanib na operasyon ng mga tauhan mula sa MICP, Sub-Port of North Harbor, Bureau of Plant Industry – Plant Quarantine Service (BPI-PQS) at Department of Trade and Industry (DTI) ang isang kargamentong naglalaman ng sandamakmak na smuggled carrots na lumapag sa Manila North Harbor.
Sa imbestigasyon, lumalabas na pawang smuggled mula sa bansang China ang naturang kargamento.
Ayon kay Atty. Jesus Balmores na tumatayong Officer-in-Charge ng North Harbor Port, dumating sa kanyang pinangangasiwaang pasilidad ang naturang kargamentong na una nang idineklara bilang mga tsokolate.
Nang isailalim sa tamang proseso gamit ang makabagong teknolohiya, taliwas ang nabanaag na laman ng container kumpara sa dokumentong kalakip ng naturang balyena. Dito na aniya siya nagpasya na alertuhin ang pamunuan ng MICP at iba pang katuwang na ahensya para sa wastong proseso ng pagsusuri.
Sa harap ng mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang katuwang na ahensya, ininspeksyon ang kargamento – positibong gulay at hindi tsokolate tulad ng deklarasyon sa kalakip ng dokumento ang laman ng sinuring container.
Agad na isinailalim sa seizure and disposal proceedings ang nabistong kontrabando bunsod ng paglabag sa Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture), Section 117 (Regulated Importation and Exportation), Section 1401 (Unlawful Importation and Exportation) ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), BPI-National Plant Quarantine Service Rules and Regulations for the Importation of Plant products at Republic Act 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).
Sa isang bukod na pahayag, tiniyak naman ni MICP District Collector Romeo Allan Rosales na mas paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang pagbabantay sa pumapasok at lumalabas na kargamento. (BOY ANACTA)
