DPA Ni BERNARD TAGUINOD
NARARAPAT lang talaga na mag-face-to-face na ang mga estudyante dahil tayo na ang pinakahuling nagbukas ng klase sa buong mundo kaya nawalan ng dalawang taong oportunidad ang mga kabataan.
Noong Setyembre 2021, buwan na nagsisimula ang school year sa halos lahat ng bansa sa mundo, tanging ang Pilipinas at Venezuela ang hindi nagpatupad ng face-to-face classes.
Pero pagdating ng Oktubre 2021, bumalik na sa kanilang eskuwelahan ang mga estudyante sa Venezuela pero sa Pilipinas, sarado pa rin ang mga eskuwelahan at ngayon lang nagbukas.
Hindi ko alam kung overacting lang ang nakaraang administrasyon sa Department of Education (DepEd) o kaya ay talagang wala silang programa para sa sektor ng edukasyon.
Sa mga bansa na malala ang kaso ng COVID-19 tulad ng Amerika, hindi umabot ng isang taon ang pag-lockdown sa kanilang mga eskuwelahan kaya ‘Onli in the Philippines’ talaga…. na tayo lang ang nagsarado ng dalawang school year.
Ang naging epekto, walang natutunan ang mga estudyante. Maraming kabataan na 9-anyos na hindi pa nakababasa nang diretso at hindi naiintindihan ang kanilang binabasa.
‘Yung report ng World Bank (WB) na 90.9 percent ang learning poverty sa Pilipinas dahil hindi nakababasa at nakauunawa sa kanilang binabasa ang Filipino children, ay pre-pandemic survey pa ‘yun.
Kung ganito kalala ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas bago ang pandemya, paano na lang ang mga kabataan ngayon matapos ang dalawang taong lockdown? Hintayin natin, baka sabihin ng WB na may education crisis na talaga sa Pilipinas.
Mantakin n’yo, ang DepEd ang may pinakamataas na pondo sa lahat ng ahensya ng gobyerno dahil nakasaad sa Constitution na ang sektor na ito ang dapat iprayoridad pero palala nang palala ang sistema ng edukasyon sa ating mahal na bayan?
Napakalaking pondo pero lumabas din sa survey ng WB na 90.4% ang learning deprivation? Saan ginagamit ang sangkatutak na pondo? Hindi kaya sa katiwalian? Nagtatanong lang!
Sabagay, walang umaamin na may nangyayaring katiwalian kahit ang biniling laptop ng nakaraang DepEd administration sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), ay overprice at outdated.
Saan ka nakakita na ang mga laptop na mabibili lang bawat unit ng P22,000 hanggang P25,000 sa mall ay binili ng PS-DBM ng P58,000? Kung maramihan ang bili, dapat mas mura yan! Wala bang katiwalian dyan?
Naglaan din ng P9.5 billion para ayusin, i-repair at magtayo ng mga bagong silid-aralan pero 23% lang ang natapos eh ang haba ng panahon na puwedeng magtrabaho? Gobyerno mismo ang nagpapalala sa kalagayan natin eh.
Anyway, nagbalik eskuwelahan na ang mga estudyante at sa November, 100 percent na ang face-to-face. Sana may matututunan na ang mga kabataan na nawalan ng dalawang taong oportunidad dahil sa kapalpakan ng nakaraang administrasyon.
461
