MAYOR SA MAGUINDANAO TIMBOG SA PNP-CIDG SA DOUBLE MURDER

NASA ilalim ng hospital arrest ang isang Maguindanao town mayor na kapatid ni dating Maguindanao Representative Esmael Mangudadatu, dahil sa pagkakadawit sa pagpatay sa isang mag-asawa sa Sultan Kudarat, 12 taon na ang nakalilipas.

Inaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, Bangsa­Moro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)-CIDG Field Unit, ang 44-anyos na  si Khaddafe­ “Toy” Mangudadatu,  mayor ng Pandag, Maguindanao, sa Royal Mandaya Hotel sa Palma St. sa Davao City, dakong alas-4:15 noong Linggo ng hapon.

Ayon kay Lieutenant Colonel Bernard Lao, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) BARMM, si Toy Mangudadatu ay pakay ng warrant of arrest dahil sa kasong 2-counts ng murder.

Ang kaso ni Pandag Mayor Toy ay nag-ugat sa pagpaslang sa mag-asawang sina Abdullah Kanapia Ligawan at Lala Ligawan sa Purok 6, Brgy. Sinakulay, President Qui­rino, Sultan Kudarat noong Oktubre 7, 2010.

Nabatid na kasama rin sa wanted na nakatala sa nasabing arrest warrant ang kapatid ni Toy na si Zajid at dalawang iba pa na sina Tunggal Usop at Mamayang Amino.

Si Toy na dating nagsilbi bilang miyembro ng BARMM Legislative Assembly, ay agad dinala sa Davao Doctors Hospital para masuri ng doktor matapos siyang dumaing ng pananakit ng dibdib at hirap sa paghinga makaraang hulihin sa loob ng hotel.

Ang warrant of arrest­ laban sa Pandag mayor ay inisyu ni Judge Sa­mina Sampaco Maca­bando-Usman ng Regio­nal Trial Court Branch 20 sa Tacurong City, Sultan Kudarat noong Setyembre 9.

 Ang kaso laban sa alkalde ay “non-bailable” o walang inirekomendang piyansa mula sa korte kaya inaasahang mana­natili siya sa kustodiya ng CIDG. (JESSE KABEL)

179

Related posts

Leave a Comment