GINAWARAN ng pagkilala ng Civil Service Commission (CSC) ang Bureau of Customs (BOC) bilang isa sa mga ahensyang nagpamalas ng mataas na antas ng mabilis na pagtugon sa mga dinudulog na suliranin at reklamo sa nakalipas na 10 taon.
Sa kalatas ng CSC, partikular na tinukoy ang kagyat na solusyon sa 517 sa 542 dokumentadong reklamo na inihain sa kawanihan para sa 95.39% “solution efficiency” na nagsilbing hudyat para gawaran ang BOC ng natatanging parangal isang linggo na ang nakaraan.
“The Bureau of Customs is issued a certificate of recognition for achieving one of the highest complaint resolution rates for the past decade through the Contact Center Bayan,” ayon sa CSC.
Ayon sa komisyon, nagpamalas ng sigasig ang kawanihan sa pagtanggap, pagdinig, pagsusuri at paglalapat ng solusyon sa mga pormal na reklamong inihain sa Customer Assistance and Response Services.
Anila, ang bawat tugon ng BOC, kanilang agad na nasasalamin sa mga datos na pumapasok sa Contact Bayan Center ng CSC.
Tugon naman ng BOC, mandato ng kanilang ahensya ang tiyakin ang sistematiko, legal at patas na kalakalan sa mga pinangangasiwaang pantalan at paliparan.
“We just doing our job,” maikling pahayag ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz nang hingan ng reaksyon kaugnay ng natanggap na pagkilala ng pinamumunuang kawanihan.
193 