NATIMBOG ng magkakasanib na puwersa ng pulisya ang isang 48-anyos na miyembro ng Special Operation Group, Philippine Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office, sa isinagawang hot pursuit operation hinggil sa ilegal na droga sa Quezon bridge sa Quiapo, Manila nitong Linggo ng madaling araw.
Unang naaresto ang isang Rey Atadero, nasa hustong gulang, residente ng Tondo, bandang alas-4:45 ng hapon noong Sabado.
Nakumpiska sa kanya ang dalawang kilo ng umano’y shabu na P13 milyon ang halaga sa loob ng lending office sa Jose Abad Santos St. sa Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, commander ng Manila Police District – Sta. Cruz Police Station, nakipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang PDEG SOU-4A, RPDEU, NCR at RPDEU-4A sa isasagawang hot pursuit operation laban kay Atadero na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ikinanta naman ni Atadero si Police Master Sergeant Rodolfo Mayo, 48, residente ng Manggang Marikit, Guimba, Nueva Ecija, hinggil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.
Kasunod nito, nadakip din si Mayo habang lulan ng Montero Sports bandang alas-2:30 ng madaling nitong Linggo sa Quezon Bridge, sa Quiapo, Manila bandang alas-2:30 ng madaling nitong Linggo.
Nakuha kay Mayo ang kalibre 9MM na Berreta, PNP badge at iba’t ibang bank accounts.
Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 at Section 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang dalawa ay nasa kustodiya na ng NCR SOU 4-A. (RENE CRISOSTOMO)
