SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
INUULAN ng suporta si Negros Oriental Governor Henry Teves.
Pilit kasi itong pinabababa sa puwesto.
Ngunit ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ni Teves, ang korte lamang ang maaaring mag-utos na bumaba sa pwesto ang gobernador.
Ginawa ni Topacio ang pahayag bilang reaksyon sa naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapawalang-bisa sa panalo ni Teves noong May 9, 2022 polls.
Ibinigay kasi ng poll body ang mga boto na nakuha ng itinuring na nuisance candidate na si Ruel Degamo sa natalong gubernatorial candidate na si Roel Degamo, at maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay pinayuhan si Teves na bakantehin ang puwesto, bagay na kinontra ni Topacio.
Kaya pinayuhan niya si Gov. Teves na manatili sa kapitolyo at ipagpatuloy lamang ang pagganap sa kanyang mga tungkulin bilang ama ng lalawigan. Para kay Topacio, aba’y malinaw na si Teves ang nanalo at naiproklamang gobernador matapos ang halalan.
Binigyang diin ng abogado na hindi ang Comelec o DILG ang maaaring magpababa sa puwesto kay Teves kundi isang korte. Si Degamo pa nga raw ang dapat idiskwalipika dahil maituturing na pang-apat na niya itong termino kung sakali.
Malinaw kasi na nakasaad sa batas ang limitasyon ay tatlong termino lamang.
Nasa 20 alkalde ang nagpakita ng suporta kay Teves, kabilang si Bacong Mayor Lenin Aviola, Negros Oriental Mayors’ League president, kasama si Canlaon City Mayor Batchuk Cardenas.
Kung matatandaan, iniakyat na rin ng kampo ng gobernador sa Supreme Court (SC) ang usapin.
Sa panig ni Topacio, “unfair” daw o hindi patas para sa mamamayan ng Negros Oriental na bumoto kay Governor Teves, ang desisyon ng Comelec.
Ito raw ang dahilan kaya umakyat sila sa kataas-taasang hukuman.
Kumpiyansa si Topacio na magiging patas ang high court sa hatol nito sa naturang kaso.
191
