ANOMANG araw ay maaari nang simulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Quezon III District Engineering Office ang bahagi ng 4.75 kilometrong Coastal Road at Seawall sa kahabaan ng coastal areas ng Catanauan, Quezon.
Inaasahan na malaki ang maidudulot na pakinabang ng proyektong ito sa mga residente at turistang dumaraan sa lugar na ito ng Catanauan at maging sa progreso ng nasabing lugar sa usapin ng komersyo, kalakalan at turismo.
Nabatid mula sa officer-in-charge ng mahigit P96M project na si District Engr. Jorge C. Pasia, dumaan sa tamang proseso ang proyekto kung saan nagkaroon ng bidding at naigawad ang proyekto sa nagwaging bidder na St. Timothy Construction Corporation na may business address sa Pasig City at kinakatawan ni Ma. Roma Angeline D. Rimando, authorized managing officer.
Ang Notice of Award ay iginawad sa St. Timothy Construction Corporation ng Quezon III, District Engineering Office, Catanauan, Quezon noong March 29, 2023.
Ipinaliwanag ni Dist. Engr. Pasia na bago pa iginawad sa nanalong bidder ang kontrata ay nagsagawa na ng mga serye ng konsultasyon sa mga residente, local government unit (LGU) at environment sector ang DPWH.
Ilan sa mga napag-usapan sa coordination meeting ni Dist. Engr. Pasia noong Feb. 21, 2023 ay kinabibilangan ng issues at concerns ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Sa nasabing coordination meeting ay ipinakita ni Engr. Domingo P. Villaruel ng Procurement Unit ng DPWH Quezon III DEO ang eksaktong lokasyon ng proyekto kung saan walang maapektuhang mangrove areas.
Napag-alaman din na pinayuhan ni Ramil J. Gutierrez, OIC, CENR Office, Catanauan ang DPWH na magsagawa ng feasibility study upang ituloy ang multi-year project.
Ipinangako naman ni Engr. Pasia sa LGU at DENR na magsasagawa ito ng feasibility study gaya ng request ng DENR.
Sa katunayan nito lang May 3, 2023 ang Coastal Road with Seawall project sa Catanauan Bay, Catanauan, Quezon ay ginawaran na ng Certificate of Non-Coverage (CNC) at ito ay in-issue ng DENR, Environmental Management Bureau kay Engr. Jorge C. Pasia.
Ang CNC ay ang equivalent ng Environment Compliance Certificate (ECC) sa mga proyektong hindi makakaapekto sa kalikasan.
Samantala, sa isang opisyal na liham naman ng DENR, CENRO Catanauan ay sinabi nito na wala silang pagtutol sa nasabing proyekto. Ang liham ay may lagda ni Ramil J. Gutierrez, officer-in-charge, CENRO, Catanauan.
280