TAGAYTAY CITY – Hindi umubra ang pag-iiskandalo ng isang 50-anyos na lalaki upang pagtakpan ang itinagong dalawang mamahaling alak sa kanyang shorts, na kanyang inumit sa isang establisyemento sa lungsod na ito noong Miyerkoles ng umaga.
Kasong theft thru shoplifting ang kinahaharap ng suspek na si Rex Andrada, ng Brgy. Rizal, Blumentritt, Manila dahil sa reklamo ni Nico Cacao, 25, ng Brgy. Silang Crossing, Tagaytay City, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/MSgt. Joseph Ryan D. Bascugin ng Tagaytay City Police, dakong alas-11:50 ng umaga nang pumasok ang suspek sa nasabing establishment at nagpanggap na customer.
Napansin ng guwardiya na si Ryan Angelo Caguioa, ang kahina-hinalang ikinikilos ng suspek kaya lihim nitong sinundan hanggang sa napansin nito na kumuha ng dalawang alak si Andrada at isiniksik sa kanyang shorts ngunit hindi nito binayaran kaya pinigil ito.
Gayunman, nag-iskandalo umano ang suspek ngunit itinaas nito ang long sleeve shirt ni Andrada naging dahilan ng pagkakadiskubre sa dalawang alak na nakasuksok sa beywang nito. (SIGFRED ADSUARA)
