DNA SA DEGAMO CRIME SCENE PLANTED- TEVES

DUDA ang kampo ni Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na planted ang dugo na ginamit bilang sample sa DNA na kinuha sa mga suspek sa pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Kasabay nito, muling binanatan ni Teves ang mga pasaring ni Department of the Interior and Local Government (DILG)  Secretary Benhur Abalos na hindi sinipot ng Teves legal team ang unang araw ng pagdinig ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa murder complaints sa nasabing kaso.

Ayon kay Teves, tila sinadya umano ng DOJ na hindi padalhan ang kampo nito ng subpoena upang lumabas na takot harapin ng mga tagapagtanggol nito ang kasong hindi pa dinidinig sa korte ay nahusgahan na ng mga taong nagdidiin na mapanagot ito sa nangyaring Pamplona massacre.

Sa pag-usad ng preliminary investigation sa DOJ, sinabi ng abogado ng mga Degamo na si Atty. Levito Baligod na nagtugma umano ang mga nakuhang blood samples sa pinangyarihan ng krimen at sa ginamit na sasakyan ng mga nahuling suspek.

Matatandaang binawi ng mga suspek ang kanilang naunang salaysay na nagtuturo kay Teves bilang mastermind sa krimen.

Iginiit ni Teves na ang mga pahayag nina Abalos at DOJ Sec. Boying Remulla sa media ay tila trial by publicity dahil bagamat hindi pa dinidinig sa korte ay pilit nang idinidiin ang kongresista sa kaso.

Hindi pa rin aniya tinitingnan ang lahat ng anggulo upang matukoy ang totoong dahilan at kung sino ang talagang nagpapatay sa gobernador.

Inakusahan din ni Teves ang ginawang imbestigasyon ng DOJ na pilit umanong kinunan ng blood samples ang mga nahuling suspek upang gamiting dahilan para mapalakas ang kaso laban sa mga ito na maaaring ginamit din umano upang itanim na ebidensya sa crime scene at sa sasakyang sinasabing ginamit ng mga suspek.

Upang hindi umano mapahiya ang DOJ sa binuo nilang kaso makaraang bumaliktad ang sampung suspek at binawi ang kanilang naunang pahayag dahil pinilit at tinakot lamang umano sila para idiin si Teves.

(RUDY SIM)

599

Related posts

Leave a Comment