PUNA ni JOEL AMONGO
NANANATILING bigo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na isakatuparan ang pagsusulong ng game-changing economic reforms sa unang taon niya sa kanyang pwesto.
Ito ang sinasabi ng ilang nakapanayam natin sa ating pag-iikot sa ilang lugar sa bansa.
Band-aid solutions lamang ang nagamit ni PBBM para sa problema sa kakulangan ng pagkain at patuloy na pagtaas ng presyo nito, ayon sa mga ekonomista.
Hindi rin masolusyunan ang ilang dekada nang problema sa agriculture sector na malaking tulong sana na maresolba ang problema sa kakapusan ng pagkain at pagtaas ng presyo nito.
Matagal nang problema ito ng mga magsasaka na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nabibigyan ng solusyon.
Ilang dekada nang kulang ang suporta ng gobyerno sa agriculture sector kung kaya’t patuloy silang nalulugmok sa kahirapan.
Imbes na suportahan ng gobyerno ang mga magsasakang Pinoy ay patuloy naman ang isinasagawang importasyon ng agri-products na sinusuportahan pa ng gobyerno, na siyang pumapatay sa lokal na mga produkto.
Inaasahan ng mga magsasaka na sana sa pagpasok ng BBM administration ay mabibigyan sila ng suporta subalit nananatiling press release lamang at band-aid solutions ang ginagawa nito.
Mula nang mag-peak sa 8.7% noong Enero, lumuwag ang inflation sa 6.1% noong Mayo.
Ang inflation ay may average na 7.5% ngayong taon na nananatiling mataas sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) 5.4% forecast.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos, patuloy na tinitiyak ng gobyerno ang tunay na macroeconomic fundamentals at nananatiling nakatuon sa paglaban sa inflation, na aniya’y isa sa “biggest economic problems” ng Pilipinas.
Hindi rin maramdaman ng mga ordinaryong mamamayan ang sinasabing dumami ang nabigyan ng trabaho at ipinagmamalaki ng administrasyon na pag-angat ng ating bansa.
Sa darating na buwan ng Hulyo 2023 ay isasagawa ni PBBM ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na inaabangan na ng taumbayan kung ano ang kanyang sasabihin hinggil sa kanyang mga nagawa sa loob ng isang taon, at mga gagawin pa niya sa susunod pang mga taon ng kanyang panunungkulan.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
