IMBES maghigpit ng sinturon dahil baon sa utang ang bansa, naging maluho pa ang Philippine Ports Authority (PPA) dahil sa pagbili ng ng high-end cellphones, furnitures, office equipment na isiningit sa kanilang dredging projects.
Dahil dito, sinita ng Commission on Audit (COA) ang PPA sa kanilang audit report para sa taong 2021-2022 dahil lumobo ang halaga ng mga kontratang pinasok ng ahensya tulad ng dredging projects sa nakaraang dalawang taon.
Bukod sa mga nabanggit, bumili rin ang PPA ng desktop computers, laptops, tablets, printers, scanners, projectors, hard drives, cameras, speakers, drones at iba pa na naghahalaga ng P18 million.
Base sa sistemang nabuko ng COA, ang mga kagamitang ito ay isinama sa mga proyektong ipinatupad ng PPA kung saan ang kontraktor ang bibili ng mga ito at saka ite-turn-over sa ahensya kapag natapos na ang proyekto.
Sinabi ng COA na ang ganitong gawain ng PPA ay magdudulot ng “unnecessarily increased project cost and created an oversupply of Machinery and Equipment, Furniture and Fixtures, Computer Software, and Semi-Expendable Assets” kaya dapat itong itigil.
Lumabas din sa report ng COA na bumili ang PPA ng 166 unit ng iba’t ibang uri ng sasakyan na nagkakahalaga ng P219.847 million subalit hanggang ngayon ay hindi ito inirerehistro sa pangalan ng ahensya at walang official markings.
“[A]t least 166 motor vehicles do not bear government plates, [are] not registered under the name of Philippine Ports Authority and most of which are not properly marked with ‘For Official Use Only’ and the name ‘Philippine Ports Authority,”ayon sa report ng COA.
Nagbabala ang COA na ang pagkakaroon ng mga hindi rehistradong sasakyan ay maituturing na unauthorized use of government vehicles kaya sinabihan ng komisyon ang PPA na iparehistro ang mga nabanggit na sasakyan at lagyan ng official markings. (BERNARD TAGUINOD)
336
