QUEZON – Umakyat na sa apat katao ang namatay matapos salpukin ng truck ang tricycle at isang bahay sa bayan ng Dolores sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Ito ay matapos bawian ng buhay sa ospital ang isa pang biktima na si Lito Vergara na siyang pasahero ng tricycle na unang sinalpok ng truck.
Samantala, nilalapatan pa rin ng lunas sa ospital ang driver ng tricycle na si William Enriquez.
Unang namatay sa mismong pinangyarihan ng insidente sa Barangay Sta. Lucia ang driver ng truck na si Romulos Carona at ang magbiyenan na sina Thomas Villanueva at Jerrylyn Villanueva na nag-uusap sa terrace ng kanilang bahay na inararo ng truck.
Kinumpirma rin ng Dolores PNP na nawalan ng preno ang truck habang ito ay palusong sa kurbadang bahagi ng kalsada kaya bumulusok ito pababa.
Ayon sa imbestigador ng kaso na si Police Chief Master Sergeant Marcelino Enobal, nasabi pa ng driver sa may-ari ng truck na mahina ang preno subalit itinuloy pa rin ang pagbiyahe dahil kailangan umanong mai-deliver ang mga semento at hollow blocks na karga nito.
Nangako umano ang may-ari ng truck na tutulong sa gastusin para sa pampalibing sa mga namatay sa insidente.
Hinihintay naman ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung magsasampa ng demanda.
(NILOU DEL CARMEN)
