P750 MINIMUM WAGE, GIIT NG WORKERS

IGINIIT ng grupo ng mga manggagawa sa isinagawa nilang kilos-protesta noong Martes ng umaga sa Mendiola Bridge sa San Miguel, Manila, ang P750 minimum wage sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ito ay makaraang ipatupad ng gobyerno ang dagdag sa minimum wage sa NCR na halagang P40 lamang.

Pagkaraan ng isinagawang kilos-protesta ay payapa namang nilisan ng mga raliyista ang nasabing lugar.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, commander ng Manila Police district- Barbosa Police Station 14, kabilang sa mga nagtipon-tipon sa nabanggit na lugar ang mga miyembro ng Anakbayan, Panday Sining, LFS, NUSP, SCM at Kabataan Party-List group.

Nagsimula ang programa ng mga raliyista bandang alas-9:12 ng umaga at natapos dakong alas-9:42 ng umaga.

Kabilang din sa karaingan ng grupo ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, pagtutol sa Maharlika Investment Fund, Mandatory ROTC, libreng edukasyon at disenteng trabaho.

Hinikayat ng grupo ang mamamayan na sumama sa isasagawa nilang kilos-protesta laban gaganaping pangalawang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tinatayang mahigit 30 katao lamang ang dumalo sa kilos-protesta na binantayan ng mga tauhan ng District Mobile Force Battalion, Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), at District Tactical Motorized Unit (DTMU).

(RENE CRISOSTOMO)

246

Related posts

Leave a Comment