BULACAN ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

Nagsimula nang mamahagi ng family food packs si Bulacan Governor Daniel Fernando kasama sina Vice Governor Alex Castro, Guiguinto Mayor Agay Cruz, 5th District Board Member Teta Mendoza, Sta Cruz Barangay Chief Emmanuel Joson para sa 1,500 families na sinalanta ng malaking baha dulot ng bagyong Egay. Ginanap ang distribusyon sa Sta Cruz Covered Court sa Guiguinto, Bulacan nitong Lunes. (Kuha ni: ELOISA SILVERIO)

ISINAILALIM sa “state of calamity” ang buong lalawigan ng Bulacan makaraang lumubog sa baha na dulot ng malakas na buhos ng ulan dala ng Habagat at bagyong Egay ang halos 24 munisipalidad at lungsod nito.

Inanunsiyo ni Governor Daniel R. Fernando nitong Lunes ang deklarasyon ng state of calamity makaraang magsagawa ng special session, Linggo ng gabi ang Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni presiding officer Vice Gov. Alexis Castro base na rin sa mungkahi ng gobernador.

Ani Fernando, na siyang chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), napilitan ang provincial government na ibaba ang “State of Calamity” dahil sa idinulot na pinsala ng pagbaha sa mga agriculture, livelihood at infrastructure.

Ayon kay Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang bilang ng apektadong Bulakenyo (unofficial count) ay aabot sa 170,000 families o 850,000 individuals kung saan ang 30,000 rito ay mula sa bayan ng Calumpit.

Patuloy pa ang isinasagawang validation para sa final report ng bilang ng affected families/ individuals na binaha dahil sa bagyo, habagat, high tide, dam release, back-flooding galing Pampanga, Nueva Ecija at sa upstream ng Angat, Bulacan.

Sa ipinadalang situational report ng PDRRMO ng Damage Assessment Report ay nasa 4,784 families o 18,392 individuals ang inilikas sa 163 evacuation centers ng 24 munisipalidad kabilang ang Cities of Malolos, Meycauayan at San Jose Del Monte.

Ayon sa gobernador, tinatayang nasa P80-million ang sinira ng bagyo sa agrikultura sa Bulacan maliban sa imprastraktura. (ELOISA SILVERIO)

637

Related posts

Leave a Comment