PINAIISYUHAN na ng warrant of arrest ang isa sa sampung contractors na pinadalhan ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ito ay sa kabiguang dumalo sa pagdinig ni Edgar Acosta, pangulo ng Hi-Tone Construction Development Corporation bagama’t may pinadala siyang kinatawan.
Nagkaisa ang mga senador na i-cite for contempt ang contractor na magiging batayan ng pag-aresto sa kanya.
Nanawagan naman si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na makipagtulungan ang mga contractor at ituro ang mga taga-DPWH o politiko na nasa likod ng mga anomalya.
Iginiit ni Marcoleta na ang halagang P100 bilyon na kontrata sa 15 contractor lamang ay malinaw na ebidensya ng sistematikong pandarambong.
Nais ding malaman ni Marcoleta mula sa Department of Budget and Management kung sinu-sinong mambabatas ang nasa likod ng budget insertions na napinta sa maanomalyang kontrata.
Sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig, sinita na ni Marcoleta ang Department of Public Works and Highways sa kabiguan na magsumite ng listahan ng mga sinasabing ghost projects.
Sinabi ni Marcoleta na nangako si resigned DPWH Secretary Manny Bonoan na isusumite ang talaan subalit ang natanggap lamang nila ay dalawang programa.
Sa impormasyon ng senador, nasa P7.2 billion ang ghost project sa lalawigan pa lamang ng Bulacan na kailangang kumpirmahin ng DPWH.
Pinagsabihan din ni Marcoleta ang Philippine Contractors Accreditation Board na ipaliwanag ang sinasabing conflict of interest sa kanilang ahensya makaraang lumitaw na dalawa sa mga board member nito ay contractor din.
Sa Commission on Audit naman, pinalalabas ni Marcoleta ang resulta ng kanilang fraud audit dahil mahalaga anya itong bahagi ng imbestigasyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
