Active cases lagpas 7K 20 PATAY SA COVID SA CAMANAVA

NAKAPAGTALA ng 20 namatay dahil sa COVID-19 ang CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area batay sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod, habang umabot na sa 7,139 ang active cases sa nasabing bahagi ng Metro Manila.

Sumipa sa 1,255 ang total deaths sa Caloocan City hanggang 5 pm noong Agosto 28 mula sa 1,240, parehong oras noong Agosto 25, o karagdagang 15 casualties sa loob ng tatlong araw.  Umigkas naman sa 2,841 ang active cases mula sa 2,521 sa loob din ng tatlong araw, o karagdagang 320 kaso.

Pumalo na sa 45,595 ang tinamaan ng COVID sa Caloocan, at sa nasabing bilang ay 41,499 na ang gumaling.

Apat naman ang naitalang namatay sa COVID sa Valenzuela City noong Agosto 28 at 1,776 ang active cases matapos na 236 ang gumaling ngunit 252 naman ang nagpositibo sa virus.

Hanggang 10 pm ng nasabing petsa ay 26,704 na ang confirmed cases sa Valenzuela, at sa nasabing bilang ay 24,303 na ang recovered at 625 na ang namatay.

Isang COVID patient naman ang binawian ng buhay sa Navotas at 1,477 ang active cases matapos na 130 ang gumaling ngunit 345 naman ang nahawaan.  Hanggang 11:59 ng gabi noong Agosto 27 ay 14,308 na ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 12,393 na ang gumaling at 438 ang namatay

Walang iniulat na namatay sa COVID sa Malabon noong Agosto 28 ngunit 102 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 16,875 ang positive cases sa lungsod, 1,045 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangay Bayan-bayanan (12), Catmon (23), Hulong Duhat (4), Ibaba (5), Panghulo (2), San Agustin (1), Tañong (20), Tinajeros (10), Tonsuya (13), at Tugatog (12).

Sa kabilang banda, 104 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay nasa 15,287 ang recovered patients ng lungsod.

Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangays Catmon, Panghulo, at Tugatog dahil lima sa mga ito ang muling nagkaroon ng COVID-19. Mula 1,047 ay magiging 1,045 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Catmon, samantala, mula 581 ay magiging 579 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Panghulo. Mula 918 naman ay magiging 917 na lamang ang mga gumaling sa Barangay Tugatog. (ALAIN AJERO)

92

Related posts

Leave a Comment