AMMONIA TUMAGAS SA CALOOCAN COLD STORAGE

BAGO pa man tuluyang magbukas, may nangyaring ammonia leakage sa isang cold storage facility sa Caloocan City noong Miyerkoles ng gabi.

Dakong alas-7:30 ng gabi, may puting usok na lumabas sa Orca Cold Solution sa Tanigue Street, Barangay 14, Dagat-dagatan ng nasabing lungsod na unang inakalang insidente ng sunog.

Dagling lumikas ang mga nagtatrabaho sa planta at agad namang isinara ng nagrespondeng mga bumbero ang main at secondary valve na daluyan ng nakalalasong kemikal at ganap na napigilan ang tagas dakong alas-8:30 ng gabi.

Natunton naman ng Bureau of Fire Protection ang tagas sa isang secondary valve sa labas ng ikalawang palapag ng gusaling tatlong palapag.

Napag-alamang nasa testing and commissioning stage pa lamang ang nasabing pasilidad at hindi pa tuluyang nagbubukas.

Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente at pinabalik na ang mga empleyado ngunit pinaiiwas sa lugar kung saan nagkaroon ng pagtagas.

Tuloy ang imbestigasyon sa insidente at mag-iinspeksyon din ang Safety Enforcement Unit ng Caloocan Fire Station sa nasabing planta.

Noong Pebrero ay dalawa ang namatay sa ammonia leakage sa cold storage facility sa Navotas City. (ALAIN AJERO)

 

190

Related posts

Leave a Comment