Sa pagkamatay ng magpinsang Absalon 24 NPA TINUTUGIS NG PNP-PRO5

IPINAG-UTOS ni PNP chief, Gen. Guillermo T. Eleazar sa pamunuan ng PNP Police Regional Office 5 ang pagtugis sa mga kasapi ng communist terrorist group na responsable umano sa pagpatay sa magpinsang Absalon na pinasabugan at pinagbabaril noong Hunyo 6, 2021 sa Brgy. Anas, Masbate City.

Ito ay matapos matukoy ni PNP-PRO5 Director Jonnel C. Estomo at pormal na sinampahan ng kasong murder ang 24 miyembro ng NPA na nasa likod ng pagpatay sa magpinsang Keith, isang atleta, at Nolven Absalon.

Ayon kay General Eleazar, abot-kamay na ng pamilya Absalon ang hustisya sa kanilang malagim na pagkamatay matapos maisampa ang mga kasong murder at frustrated murder laban sa mga responsable sa landmine attack kamakailan.

Ayon sa PNP chief, “Ito po ang pangakong binitiwan namin sa pamilya nina Kieth at Nolven, ang mabigyan ng hustisya ang kanilang pagkamatay at papanagutin ang mga may gawa nito”.

Dagdag pa niya, “Isang malaking hakbang po ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanila. Subalit, hindi po ito nagtatapos dito. Hindi kami titigil hanggang hindi nakukulong ang mga nasa likod ng pagsabog na ito”.

Bukod sa kasong murder at frustrated murder na isinampa ng Masbate City Police laban sa 24 miyembro ng NPA, sinisikap din nilang maihain laban sa mga terorista ang kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act.

Isa sa mga suspek ay kinilalang si Mariel Cañete Suson na naaresto noong Martes, Hunyo 22, at nasa kustodiya na ngayon ng Masbate City Police Station.

Iniugnay din si Suson sa pagpatay sa isang Renerio Villamor sa Masbate City noong Marso ng nakaraang taon.

Si Suson ay anak ni Rogelio Suson, kalihim ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG), KP4, BRPC na nag-o-operate sa Masbate.

Ipinagmalaki naman ni P/Gen. Eleazar ang Masbate City Police sa matagumpay nilang pagkakamit ng hustisya para sa mga biktima.

Inatasan din niya ang Regional Director ng PRO5 na si P/BGen. Estomo na paigtingin ang operasyon para matunton ang kinaroroonan ng mga suspect. (JESSE KABEL)

164

Related posts

Leave a Comment