Atty. Rodriguez sa Senado RESPETO, KORTESIYA DAPAT SA PILIPINO HINDI KAY ZALDY CO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINANATAN ni Atty. Vic Rodriguez ang Senado matapos nitong tumangging ipatawag si Cong. Zaldy Co sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects, kahit pa marami na ang nagturo rito na sangkot.

Sa kanyang Facebook post, pinuna ng dating Executive Secretary at kumandidatong senador noong May 2025 elections na mas nangingibabaw daw sa Senado ang pagbibigay ng kortesiya sa kapwa mambabatas kaysa pagrespeto sa mga Pilipinong biktima ng korapsyon.

“Trilyong piso na ang ninanakaw ng mga politiko, pero binibigyan pa rin sila ng kortesiya,” banat ni Rodriguez.

Binigyang-diin din niya ang Section 1, Article II ng 1987 Constitution: “The Philippines is a democratic and republican State. Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them.”

Ayon kay Rodriguez, mas nararapat na tao ang igalang ng Senado kaysa mga tulad ni Zaldy Co.

Blue Notice

Samantala, inihayag ng Malacañang na magre-request ang Department of Justice (DOJ) sa Interpol ng blue notice laban kay Ako Bicol Rep. Co, na isinasangkot sa kickbacks mula sa flood control projects at pagsingit sa national budget.

“Latest from DOJ… they will request for blue notice,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ipinaliwanag naman ng DOJ spokesperson na si Mico Clavano na iniutos na ni Secretary of Justice Jesus Crispin Remulla ang pag-apply ng blue notice sa Interpol base sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee at rekomendasyon ng NBI na kasuhan si Co.

Ang blue notice ay ginagamit para makakuha ng impormasyon tungkol sa lokasyon at pagkakakilanlan ng isang taong may kinalaman sa kaso.

Kasalukuyang wala sa Pilipinas si Zaldy Co. Una’y sinabi na nasa U.S. ito para magpagamot, pero kumalat ang balita na nasa Paris, France na siya kasama ang kanyang asawa na si Mylene Co.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

251

Related posts

Leave a Comment