PORMAL nang inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hotline 15/30 na bukas 24 oras, pitong araw sa isang linggo para sa mga katanungan at reklamo ng mga manggagawa.
Ayon kay DOLE Secretary Francis N. Tolentino, tugon ang hotline sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas madaling ma-access at mas tumutugon ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Tinawag itong 15/30 bilang pagtukoy sa karaniwang araw ng sahod ng mga manggagawa tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan.
Saklaw ng hotline ang mga reklamo tungkol sa hindi pagbabayad ng sahod at benepisyo, illegal dismissal, paglabag sa labor standards at occupational safety and health. Maaari rin itong gamitin sa paghahanap ng trabaho at pagkuha ng impormasyon tungkol sa mga programa ng DOLE.
Magsisilbi rin itong gabay sa ligtas na kondisyon sa paggawa sa gitna ng banta ng El Niño, lalo na para sa mga manggagawang nakabilad sa init gaya ng nasa sektor ng agrikultura at konstruksyon.
Tiniyak ni Tolentino na ang lahat ng tatawag ay agad na ire-refer sa pinakamalapit na DOLE regional o field office.
“Karapat-dapat pakinggan at tulungan ang bawat manggagawang Pilipino, ika-15 man, ika-30, o anumang araw sa pagitan,” pahayag ng kalihim.
Maaaring tawagan ang hotline sa pamamagitan ng pag-dial sa 1-5-3-0 (15-30) saanman sa bansa at anomang oras.
(JOCELYN DOMENDEN)
59 