NASAWI ang dalawang motorcycle rider habang malubhang nasugatan ang isang angkas matapos magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa Urdaneta City, Pangasinan, noong Undas.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang head-on collision bandang alas-6 ng gabi sa kahabaan ng Manila North Road.
Nasawi ang 55-anyos na rider mula Nueva Ecija na sakay ng Suzuki Raider 150 at ang 37-anyos na pintor mula Quezon City na nagmamaneho naman ng Honda Click 125i.
Malubha namang nasugatan ang 35-anyos na babaeng canteen helper mula San Manuel, Pangasinan, na angkas ng rider ng Suzuki Raider.
Batay sa paunang imbestigasyon, napunta umano sa kabilang lane ang Honda Click habang nag-o-overtake sa isang sasakyan, dahilan upang sumalpok ito sa kasalubong na Suzuki Raider.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo.
Dinala ng Urdaneta City Emergency Medical Services ang mga biktima sa Urdaneta District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ang dalawang rider. Patuloy namang ginagamot ang babaeng angkas.
(JESSE RUIZ)
64 