SUSPEK SA PAMAMARIL SA RADIO BROADCASTER SA ROXAS CITY, ARESTADO

TIMBOG ang itinuturong Top 2 Most Wanted Person sa Tapaz, Capiz na si alyas “Doming,” 42, na iniuugnay sa pamamaril sa isang radio broadcaster sa Roxas City.

Kinilala ang biktima na si Jay “Papang Jay” Lavapiez, 48, news anchor at station manager ng Baskog Radyo, na nakaligtas sa insidente noong Hunyo 22, 2026.

Ayon sa ulat, pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang salarin ang sasakyan ni Lavapiez habang patungo siya sa trabaho sa Crossing ng Costa Verde, Barangay Cagay, Roxas City. Hindi naman siya nasugatan.

Naaresto si alyas “Doming” bandang alas-3:05 ng hapon noong Oktubre 30 sa Barangay Poblacion, Tapaz, sa isinagawang intelligence-driven operation ng mga pulis.

Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kahalagahan ng pag-usig sa mga kasong may kaugnayan sa karahasan laban sa mga mamamahayag, na aniya ay mahalaga sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

Nasa kustodiya na ng Tapaz Municipal Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at mga legal na proseso.

(JESSE RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment