MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
MAY natanggap akong impormasyon na nagiging dahilan daw ng tampuhan at away ng mga tao sa mga barangay sa mga probinsya ang iba’t ibang ayuda program ng gobyerno dahil hindi lahat ay nabibigyan ng tulong pinansyal na ito.
Ganito raw ang nangyari, halos isang tao lang ang namimili ng beneficiaries na inuutusan ng politiko na kumuha ng mga pangalan na bibigyan ng ayuda tulad ng AICS, TUPAD, AKAP at kung ano-ano pa.
Ang problema, pare-parehong mga tao ang binibigyan ng ayuda at ‘yung mga walang koneksyon, hindi botante at mahihirap talaga ay hindi nakatatanggap ng anomang ayuda lalo na kung hindi malakas sa inutusang kumuha ng mga pangalan o kaya dati na silang may away.
Ang layon ng ayuda ay tulungan ang mga taong nangangailangan lalo na ang mga mahihirap sa ganitong panahon na mataas na presyo ng mga bilihin na naging dahilan kung bakit maraming pamilya ang nakararanas ng gutom.
Hindi sinasabi sa programang iyan na ‘yung mga malalapit lang sa mga politiko at inutusan nilang kumuha ng beneficiaries ang dapat bibigyan lang ng ayuda pero ‘yan daw ang nangyayari sa ibaba.
May mga pagkakataon din daw na umiikot lang sa isang pamilya ang mga ayudang ibinibigay ng gobyerno dahil sa dami ng programang ito.
Kunwari, kapag ang ama ng tahanan ay nakatanggap ng TUPAD, hindi na siya pwedeng mabigyan ng ayuda sa loob ng tatlong buwan, ang gagawin ng inutusang maglista ng beneficiaries ay ‘yung asawa naman niya ang ilalagay.
May pagkakataon na sunod-sunod ang ayudang ibinababa na kailangang ipatupad sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan kaya kung hindi pa pwede ang ama at ina ng isang tahanan ay ang anak naman nila ang ililista.
Dyan na nagkakaroon ng away sa mga barangay lalo na kung malalaman na ang lahat ng miyembro ng isang pamilya ay nakatanggap ng iba’t ibang ayuda habang ‘yung mga mahihirap talaga ay walang nakatanggap sa kanila.
Ang isa pang problema, marami sa beneficiaries ay may kaya sa buhay. Naglalakihan ang mga bahay, may mga sasakyan, malalawak ang sakahan at meron silang mga hanapbuhay habang ‘yung mga walang-wala ay halos hindi makatikim ng tulong dahil hindi sila malakas sa naglilista.
Malamang ay hindi alam ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) national at maging ng Palasyo ng Malacañang dahil hindi sila ang nasa ground kundi ang mga tao lang nila na sunud-sunuran lang sa local politicians.
Kapag nagrereport na ang DSWD sa Kongreso, ipagmamalaki nila ang milyong-milyong tao na kanilang natulungan sa iba’t ibang uri ng ayuda pero kung susuriin mo ang beneficiaries, magkakamag-anak at magkakapamilya sila.
Ayusin niyo nga o kaya itigil na ang ayuda dahil hindi naman ‘yan ang sagot sa problema ng kahirapan sa ating bansa!
