CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MAINIT ang pangalan nitong si Pasig City Councilor at actress Angelu de Leon dahil sa pambabatikos sa kanilang mga kalaban sa pulitika sa lungsod.
Nakisakay kasi ang konsehala sa trending na isyu ng isang congressional candidate na nagbiro sa mga babaeng solo parent. Pero ang puna sa kanya, sana raw ay bago siya bumatikos sa kapitbahay, iyon munang nasa loob ng kanyang bakuran.
Sabi ni Angelu, bawal ang bastos sa Pasig. Hindi natin sinasabi na matuwid ang pagbibiro ng may halong kabastusan pero kung bawal ang bastos sa Pasig, dapat niyang tingnan ang sariling bakuran upang malaman din ng taumbayan partikular na ng mga Pasigueño na may mga kasamahan siya na numero unong bastos at mapagsamantala sa kahinaan ng kababaihan.
Noon kasi ay may nag-viral din sa Pasig na video ng isang konsehal at dalawang aspirante sa pagka-councilor.
Malaswa raw ang video. Ang kuwento ay itong isang di-umano’y mahilig sa laman na sitting councilor ay may tinikmang prosti at pagkatapos ay ikinuwento sa mga kasamahan nito. Tila ba nang-inggit.
Kaya naman, sinubukan din daw ng napagkuwentuhan. Hindi naman daw aktuwal na nakipagsiping ang mga ito kundi nakipag-video sex lamang kung saan magdedeposito muna sila at pag nakatapos ay saka ibibigay ang balanse o kabuuan ng bayad.
Ang masaklap, nang makaraos ay bin-lock nila ang babae para hindi na sila makontak. Hindi rin nila binayaran ang balanse.
Pero tuso pala si girl. Nang ‘ma-ghost’ ng mahihilig na kostumer ay binisto na ni-record niya ang kanilang malaswang ginawa.
May isa pang kasama sa kampo ni Angelu na inireklamo naman ng single mom na pinangakuan nitong pananagutan ang ginawa, as in inanakan.
Kung pagbabasehan ang mga kuwento, heto ang tanong: Saang kampo mababa ang moral?
Kaya, sana naman, para maalis ang alinlangan na mapagkunwari si Angelu ay pansinin din niya ang mga kasama niyang kandidato na may isyu rin. Tingnan muna ang sariling bakuran bago silipin ang kabilang bakod.
