INAASAHAN ang sabayang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang hahalili sa pwesto ng mga magreretiro sina Armed Forces Chief of Staff General Jose Faustino at Philippine National Police (PNP) Director-General Guillermo Eleazar.
Sa hanay ng hukbong sandatahan, walong opisyal na may ranggong major general hanggang lieutenant general ang pinagpipiliang pamalit kay Faustino. Pag-amin pa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, may mga naisumite na siyang pangalang posibleng hiranging bagong AFO chief of staff bago pa man tuluyang bumaba sa pwesto si Faustino sa Nobyembre 12.
Posibleng ito na rin aniya ang pinakahuling AFP chief of staff na itatalaga ng Pangulo sa anim na taong termino.
Kabilang sa mga maugong na papalit sa magreretirong si Faustino sina Philippine Army chief Lt. Gen. Andres Centino, Philippine Air Force Commanding General Lt Gen. Allen Paredes, at Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Adelius Bordado.
Pasok din sa mga kwalipikado sina Southern Luzon Command Lt. Gen Bartolome Bacarro, Northern Luzon Command Lt Gen Arnulfo Burgos, Wesmincom Chief MGen Alfredo Rosario, Eastern Mindanao Command Commander Lt. Gen. Greg Almerol at Visayas Command Major Gen. Robert Dauz.
Samantala, kanya-kanyang gapang naman ang sina National Capital Region Police chief Vicente Danao at Central Luzon regional director Valeriano de Leon na kapwa maugong na papalit kay Eleazar sa Nobyembre 10. (JESSE KABEL)
