Bakit tinawag na Lakers ang 2020 NBA champion?

SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA

ALAM nyo ba kung ano ang kaugnayan ng “lakes” sa Lakers sa maaraw, mainit at tuyong Southern California at kahanga-hangang Hollywood?

Ang sagot sa ­katanungang ito ay WALA! Walang kaugnayan ang “lakes” o Lakers sa Estado ng California.

Ang Lakers ay isinilang kalahating kontinente ang layo sa Estado ng Minnesota, na ayon mismo sa kasaysayan ay tumutugon sa tawag na “Land of 10,000 Lakes.

Ang Lakers, samakatuwid, ay nagsimula sa malamig at maniyebeng kambal na siyudad (Twin Cities) ng Silangan at ­Gitnang Silangan ng Minnesota at ­DePaul sa ­huling bahagi ng 1940s ­hanggang 1950s. ­Panahong ang Los ­Angeles ay kilala lamang sa Rams ng ­National Football League, na lumipat mula sa ­Cleveland noong 1946 at Dodgers ng baseball mula sa Brooklyn noong 1958.

Mula noong 1960, ang Lakers ay naging bahagi ng pinaghalong East, Midwest Basketball Association of America at National Basbetball League na binuo matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noon pa man ang ­Lakers ay laging nakapagpoprodyus ng mga dominanteng manlalaro gaya ni George Mikan, isang kahanga-hangang higante mula DePaul University na pinakamimithing makuha ng bawat koponan sa kolehiyo.

Si Mikan ang naging haligi ng unang dinastiya ng Lakers sa pro basketball.

Ang kanyang presensiya sa loob ng court ay sapat para ang fans ng hoop sport ay magbayad para makapasok sa stadium at mapanood siya ng personal.

Ang sentro na si Mikan ang unang nagpatunay na hindi lamang taas at laki ang puwedeng magdomina ng basketbol kundi maging ang talento.

Unang tinanghal na hari ng propesyonal basketbol ang Lakers dahil kay Mikan nang bigyan niya ang prangkisa ng Minnesota ng limang kampeonato, sa tulong ng mga kasamang sina Tony Jaros, Jim Pollard, Don Carlson at Mike Bloom, at coach na si Johnny Kundla.

Nang lumipat ang ­Lakers sa Los ­Angeles, dala nila ang lahat ng sangkap na angkop sa mala-pelikulang ­Hollywood, kabilang ang magagaling sa opensa na mga manlalarong sina Elgin Baylor at Jerry West, isang All-American guard galing West Virginia.

Isang dosenang taon, makaraang lumipat sa West Coast, ang hinintay ng Lakers bago sila nanalo ng unang korona sa NBA.

Nangyari ito nang makuha nila ang matangkad na si Wilt Chamberlain, ang pinaka-talentadong big man noon sa sport ng basketbol.

Sinundan ito ng isa pang Goliath na si Kareem Abdul-Jabbar, isang All-American buhat sa UCLA (University of California-Los Angeles).

Nagkataon lamang marahil na nang makamit ng Lakers ang pangalawa nilang paghahari sa sport ay dumating si Earvin Johnson, isang 20 anyos na may ngiting nakahahawa at ang husay bilang court general ay naging basehan para siya binyagang “Magic” sa daigdig ng basketbol.

Nagpatuloy ang “Showtime at the fabulous Forum” sa presensiya nina Magic at Kareem noong 1980s, na sinundan ng tambalang Kobe Bryant at Shaquille O’Neal noong 1990s hanggang noong unang dekada ng 2000s.

At makaraan ang 10 taong pagkatuyot sa titulo ay dumating naman si LeBron James na bitbit si Anthony Davis ay ­inaasahan ng marami na ­maghaharing uri para sa susunod na imperyo ng Lakers.

78

Related posts

Leave a Comment