SELOS ang isa sa mga anggulong binubusisi ng mga awtoridad makaraang saksakin nang basag na bote ang isang 29-anyos na babae at kaibigan nito sa Tondo, Manila noong Lunes ng gabi, Oktubre 12.
Swak sa kulungan at nahaharap sa kasong attempted homicide at slight physical Injuries ang suspek na kinilalang si Rose Ann Arellano, 23-anyos ng #618-B Perla St., Tondo.
Samantala, isinugod naman Ospital ng Tondo ang biktimang si Monica Vivar, 29, dalaga, ng #1787 Almeda St., Tondo na tinamaan ng mga saksak sa ulo at balikat.
Habang nadamay naman sa pag-awat ang kaibigan nitong si Wency Gomez, 25-anyos, may asawa, ng Perla St., Tondo, na nasugatan sa kanyang mukha.
Batay sa ulat ni P/Cpl. Kim Airo Gonzales ng Manila Police Station 7, bandang alas-10:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Perla St. sakop ng Brgy. 57, Zone 5 sa Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ni P/Cpl. Gonzales, nagpunta si Vivar sa lugar upang bisitahin ang kanyang mga kaibigan, kabilang si Gomez.
Habang papatawid sa kabilang kalye para bumili ng pagkain nang sumulpot si Arellano na sakay ng motorsiklo.
Pumulot umano ito ng bote saka binasag at sinaksak si Vivar sa ulo at sa balikat.
Tinangka umanong umawat si Gomez pero maging ito ay nakatikim din ng saksak sa mukha.
Sa follow-up ng mga awtoridad, natimbog si Arellano sa kanilang lugar. (RENE CRISOSTOMO)
