KONGRESO NG MAMAMAYAN

NAGBITIW na nitong Oktubre 13 ang kinatawan ng unang distrito ng Lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros na si Representative Alan Peter Cayetano sa Kamara de ­Representates mula sa pagiging speaker makaraang ibandona siya ng ­napakalaking bilang ng mayorya ng mga kongresistang sinasabi niyang sumuporta sa kanya.

Marahil, sa sobrang asar at galit ng mga kongresista kay Cayetano dahil sa maling mga nagawa nito ay hindi na nila pinaporma pa ang mambabatas.

Umaga pa lang ay tiniyak na ng malaking mayorya ng mga kongresista na hindi na speaker ng Kamara si Cayetano.

Ano ngayon ang maaasahan ng publiko sa Kamara na pamumunuan ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco hanggang Hunyo 2022?

Mayroon bang mapapala ang mamamayang Filipino sa Kamara sa liderato ni Speaker Velasco?

Mahalaga ang mga katanungang inilatag ko dahil ang Kamara, sa partikular, at Kongreso, sa kabuuan, ay institusyong itinayo upang mag­lingkod sa mamamayan.

Ang katangian, esensya at layunin ng Kongreso ay nakabatay sa paliwanag at ipinag-utos ng Konstitusyong 1987.

Kongreso ng mamamayan ba ang binabanggit ng ­Konstitusyon?

Tiyak ako na Kongreso ng mamamayan ang ipinatayo ng Konstitusyon makaraang tanggapin at aprubahan ng mga botanteng Filipino ang nasabing pundamental na batas ng bansa at mamamayan noong Pebrero 1987.

Ang Konstitusyon ang malinaw at napakal­akas na katibayang nagsasabing ang mga ­inihalal na mga kasapi ng Kamara at Senado ay kinakailangang maglingkod sa mamamayan.

Palagay ko, ipinunto rin ng Konstitusyon sa utos nitong maging tapat at seryoso ang mga politikong ihahalal ng mga Filipino sa Kongreso.

Ibig sabihin, ang aaprubahang mga panukalang batas at resolusyon ay totoong paborable at mapapakakinabangan ng mamamayan, lalo na ng mga batayang masa tulad ng manggagawa, manggagawang bukid, magsasaka, ­mangingisda, guro at iba pa.

Hindi iyong batas na iyayabang at igigiit ng mga mambabatas na makatutulong sa iba’t ibang sektor, ngunit sa praktika ay pakikinabangan ng mga kapitalista, lalo na ng mga ­kapitalistang kriminal mag-isip.

Sa sistemang ­kapitalismo, nangingibabaw ang mga ­negosyanteng dinadaya at dinudugasan sa buwis ang pamahalaan.

Linalansi, inaabuso at pinagsasamantalahan din nila ang kanilang mga manggagawa, o empleyado.

Malinaw na pinalitan lamang ang pinuno ng Kamara nitong Oktubre 13 at hindi ang mga kongresista.

Kaya, malaking hamon sa nasabing sangay ng ­Kongreso kung ang aaprubahan nitong mga panukalang batas at resolusyon sa mga susunod na ­buwan at taon – na ipapasa sa Senado – ay totoong paborable at mapakikinabangan ng iba’t ibang sektor ng batayang masa.

Ilan sa mga nararapat, ­karapat-dapat at makabuluhang mga na batas ay ang pagpapatigil ng sistemang ­kontraktuwalisasyon, ang magpapabago sa Republic Act 11203 (Rice Tariffication Law (RTL), magpapabago rin sa Republic Act 8550 (The Philippine Fisheries Code of 1998) at marami pang iba.

Iyong batas na ipinasa hinggil sa kontraktuwalisasyon sa nakalipas na Kongreso ay malaking kalokohan dahil napakalaki ng ‘butas’ nito para maipasok at manatili pa rin ang kontrak­tuwalisasyon bilang konsepto ng pagtanggap ng mga manggagawa sa isang ­kumpanya.

Kaya, hindi nito layuning tapusin ang praktis ng mga kapitalista na hanggang limang buwan, o bago mag-anim na buwan, na pagpapatrabaho sa mga manggagawa.

Muling nakasalang sa Kongreso ang nasabing panukalang batas na ubod nang bagal ang takbo.

Labis akong naniniwala na walang kuwentang mga panukalang kontra-­kontraktuwalisasyon na nakasalang sa Kongreso, ang R.A. 11203 at R.A. 8550 sapagkat hindi sila nagsisilbi sa interes ng mga manggagawa, manggagawang bukid, magsasaka at ­mangingisda.

Kaya, dapat baguhin ang mga ito.

Kumbinsido akong mababago ang mga ito at iba pang kontra-mamamayang batas kung gugustuhin ng mga mambabatas.

Ngunit, kung talagang ang nasa isip at puso ng pinakamalaking bilang ng mga mambabatas ay sapat na para sa mga manggagawa, manggagawang-bukid, magsasaka at mangingisda ang mga nabanggit ko, pihadong walang magaganap na pagbabago kahit si Speaker Velasco na ang pinuno ng Kamara.

At kung ganyan din ang nasa isip at puso ng mga senador, tiyak hindi maitatransporma ang Kongreso, bilang Kongreso ng mamamayan.

106

Related posts

Leave a Comment