BALIMBINGAN SEASON NA NAMAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PANAHON na naman ng balimbingan sa mundo ng pulitika dahil pagkatapos ng eleksyon ay may mga nanalong congressman ang inaakala mong magiging fiscalizer sa Kongreso dahil mula sila sa partidong nagpapakilalang oposisyon pero sasama na sa administrasyon.

Tulad na lamang nitong 4 sa 6 congressmen na nanalo sa ilalim ng Liberal Party (LP) na kinumpirma ni Quezon Rep. David Suarez na lumagda na raw sa manifesto para suportahan ang speakership bid ulit ni Tacloban Rep. Martin Romualdez.

Hindi pa pinangangalanan kung sino ang LP solons na ito pero malalaman din naman kung sino ang mga ‘yan kapag nahalal na ulit si Romualdez bilang Speaker sa 20th Congress na magsisimula sa huling Lunes ng July.

Mula noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang ngayong administrasyon ni BBM, ang LP ang itinuturing na oposisyon dahil naglarga sila ng presidential candidate sa katauhan ni dating Vice President Leni Robredo noong 2022 presidential election.

Kaya may natuwa dahil kahit papaano, nakapagpanalo sila ng 6 na congressmen noong nakaraang mid-term election, dahil magkakaroon ng tunay na oposisyon sa Kongreso mula sa kanilang hanay.

Pero mukhang mabibigo ang mamamayan na magkaroon ng tunay na fiscalizer sa Kongreso dahil sa pagsama ng LP solons sa supermajority ni Romualdez na binubuo ng mga congressman mula sa iba’t ibang partido.

Sino ang tatayong fiscalizer ngayon sa Kongreso? Ang Makabayan bloc na dalawa na lamang sila? Magiging fiscalizer ba ang tatlong uupong kinatawan ng Duterte Youth party-list na ang misyon lang yata ay kalabanin ang tinawag nilang “komunista sa Kongreso”?

Hindi naramdaman ang presensya ng kinatawan ng Duterte Youth party-list nitong nakaraang dalawang Kongreso at saka lang nag-iingay kapag makakaliwa ang pag-uusapan at noong nag-iimbestiga ang Kongreso sa war on drugs ni Duterte pero sumablay pa.

Kung talagang nais panindigan ng LP solons ang kanilang pagiging oposisyon, kunin nila ang minority leadership para mabantayan ang bawat galaw ng liderato ng Kamara lalo na sa usapin ng national budget.

Pero ngayong susuporta na sila kay Romualdez, huwag n’yong asahan na kokontrahin nila ang liderato ng Kamara kung saan sila mabibilang na, dahil ang laro sa Kongreso, kapag bumoto ka sa nanalong speaker, ‘one of the boys’ ka na at bawal ka nang kumontra.

Pero ang kapalit naman niyan ay hindi ka mabobokya sa proyekto, hindi ka mabobokya sa mga biyayang darating dahil kung kontra ka nang kontra ay wala kang maiuuwing additional project sa iyong distrito.

‘Yan ang open secret na kalakaran sa Kongreso kaya pagkatapos ng eleksyon, nagkakaroon ng balimbingan. Ang malala pa, iiwanan ng mga balimbing na congressman ang partidong nagpanalo sa kanila at lilipat sa mas malaki at makapangyarihan na lapian. Hayyyyy Pinas.

52

Related posts

Leave a Comment