PUNA ni JOEL O. AMONGO
AKALA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay huhupa na ang galit sa kanya ng taumbayan dahil sinabi niya na bukas siyang makipag-usap sa mga Duterte, sa panayam sa kanya ni Anthony Taberna kamakailan, ngunit nagkakamali siya.
Kabaliktaran ang nangyari, lalo pang naglabasan ang iba’t ibang reaksyon ng netizens laban kay PBBM.
Nariyan ang mga nagsabi na totoo ang sinabi kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mahinang klaseng lider o weak leader si PBBM.
Bakit kamo? Walang tibay na maaasahan sa kanya ang mga Pilipino, pabago-bago ang kanyang mga desisyon.
Mismong ang kanyang kanyang ate na si Senator Imee Marcos ang magpapatunay na weak leader siya, dahil sa pagsasabi nito na ang gobyerno ngayon ay hindi Marcos kundi Romualdez-Araneta.
Bakit siya pumapayag at hindi niya maawat ang dalawa? ‘Di ba pagpapakita ng kahinaan ‘yan? Hindi niya kayang kontrolin ang kanyang asawa na si Liza at ang kanyang pinsan na si Martin Romualdez.
Sa kabila ng ginawa mong pagpapadala kay dating Pangulong Duterte sa The Hague, Netherlands at pagpapa-impeach kay Vice President Inday Sara Duterte, ngayon ay sasabihin mo bukas ka nang makipag-usap sa mga Duterte? Paano ka paniniwalaan na sinsero ka sa sinasabi mo? ‘Di ba katrayduran ‘yun?
Hindi lingid sa kaalaman ng taumbayan na kaya n’yo ginagawa
‘yan sa mga Duterte ay dahil gusto n’yong sirain si VP Sara para hindi siya makatakbong pangulo sa 2028 elections.
Minsan sinubukan n’yo na ang People’s Initiative (PI), ang malas n’yo lang dahil hindi ito kinagat ng taumbayan.
Hindi na kayo nakuntento sa PI, dinagdagan nyo pa ng pagpapa-impeach kay VP Sara at pagpapaaresto kay dating Pangulong Duterte.
Ngayon, sasabihin n’yo na bukas kayo sa pakikipag-usap sa mga Duterte?
Sana man lang inisip n’yo ang ginawa ni dating Pangulong Duterte na pagpapalibing sa inyong ama (Ferdinand Marcos Sr.) sa Libingan ng mga Bayani.
Malamang hindi ka rin mananalong presidente kung hindi ka tinulungan ng mga Duterte.
Kung titingnan ang resulta noong 2022 election ay mas mataas ang nakuhang boto ni VP Sara kaysa sa ‘yo, PBBM.
Nang mga panahon na ‘yun, ang hirap ibenta sa mga botante ang pangalang Marcos, papaano ka mananalo kung hindi ka sinamahan ni Inday Sara?
Taong 2016 nga tinalo ka nga ni Leni Robredo sa vice presidential race, samantalang sina VP Sara at dating Pangulong Duterte ay walang history ng pagkatalo sa lahat ng sinalihan nilang political election.
Sa nakalipas na tatlong taon ni PBBM ay walang malinaw na kanyang nagawa na pinakinabangan ng publiko, sa halip, ang kanilang pinagtuunan ng pansin ay ang pamumulitika partikular ang pag-atake sa mga Duterte.
Kaya ngayon, sa halip na maniwala ang publiko sa pagiging bukas ni PBBM sa pakikipag-usap sa mga Duterte ay lalo pa itong pinagmulan ng mga pag-PUNA sa kanila ng taumbayan.
Sa tradisyon ng mga Pilipino, mahalaga sa atin ang utang na loob, pero parang kabaliktaran ata ang nangyari kay Pangulong BBM, binalewala niya ang ginawang pagpapalibing ni dating Pangulong Duterte sa kanyang ama.
Kaya maraming nagtataka, sinasabi nila na matapos gawin ang pagpapa-impeach at pagpapaaresto kay dating Pangulong Duterte, ganun lang daw kadali na sasabihin ni PBBM na makikipag-usap na siya sa mga Duterte.
Mas gusto ng publiko na maparusahan na lang ang mga nasa likod ng pagpapaaresto kay dating Pangulong Duterte kaysa makipag-usap kay PBBM.
Si PBBM ay may nakasampa nang impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ihain ng Duterte Youth Party-list.
Sa pagpasok ng 20th Congress sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay tatalakayin na ang impeachment laban kay PBBM.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
