MAGDEDEPLOY ang Philippine National Police (PNP) ng aabot sa 1,457 na mga pulis kasabay ng pagdiriwang ng Lunar New Year o ang pagpasok ng Year of the Wood Dragon.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Benjamin Acorda Jr., layon nitong matiyak ang seguridad ng Filipino-Chinese Community kaugnay sa selebrasyon ng Chinese New Year.
Pahayag pa ng heneral, partikular na tututukan ang Chinatown na nasa Binondo, Lungsod ng Maynila.
Nabatid na bukod sa Lunar New Year ay ipinagdiriwang din ng Filipino-Chinese Community ang ika-430 anibersaryo ng pagkakatatag ng pinakamatanda at pinakamalaking Chinatown sa buong mundo sa labas ng mainland China.
Nabatid na inaasahan ng Manila City government na aabot sa isang milyon ang mga taong makikiisa sa nalalapit na pagdiriwang ng Chinese New Year celebration sa Binondo ngayong Pebrero 9 at 10, 2024, kasabay ng anunsyo na inumpisahan nang pagtatayo sa Manila Chinatown ng pinakamalaki at pinakamarangyang ‘Pagoda’ na aniya ay magdadala sa lungsod ng karangalang bilang isa sa mga top tourist destinations sa bansa..
Sinabi ito ni Manila City Administrator Bernardito ‘Bernie’ Ang sa kanyang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan sa Harbor View’ forum ng Manila City Hall Reporters’ Association, kung saan inanunsyo rin niya ang planong grand float parade, na inaasahang lalahukan ng 20 hanggang 30 floats. Kasama ni Ang na dumalo sa nabanggit na forum sina Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) President Jefferson Lau at Manila Chinatown Development Council executive director Willord Chua.
Magsisimula ang parade sa likurang bahagi ng Post Office at magtatapos sa Lucky Chinatown kung saan, ayon kay Chua, ay may libreng show at ‘added treat’ para sa mga bibisita sa Chinatown sa Chinese New Year’s Day.
Ayon kay Ang, sa naturang aktibidad ay mamimigay rin ang Filipino-Chinese community para sa mga manonood ng mga ‘angpao’ o pulang envelope na may lamang pera, na pinaniniwalaan na naghahatid ng swerte sa sinomang nagbibigay at gayundin sa mabibigyan nito.
Magkakaroon din umano ng lion dances sa Ongpin Street at ng grand fireworks display na isasagawa sa hatinggabi ng Pebrero 9 sa bagong Filipino–Chinese Friendship Bridge o sa Binondo-Intramuros Bridge at inaasahang tatagal ng 12 -15 minuto.
Bukod dito, nabanggit naman ni Lau na ang mga restaurants sa Chinatown ay inaasahan din na magkakaloob ng discounts sa kanilang mga kostumer, bilang pakikiisa sa pagdiriwang.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Chua na nakatakdang maglabas ng traffic advisory at rerouting scheme ang Manila Police District (MPD) traffic bureau at upang magbigay ng karagdagang seguridad .
Sa naturang forum, ipinagmalaki rin ni Ang na inaasahan nilang sa darating na taon ay mabibilang na ang Maynila sa mga top tourist destinations sa bansa, bunsod na rin ng konstruksiyon ng mala-higante at magandang ‘Pagoda’ na tinatayang aabot sa hanggang 18-palapag ang taas.
Ayon kay Lau, na inatasang pangasiwaan ang proyekto kasama ang mga barangay chairman sa lugar, ang nasabing Pagoda ay itatayo sa Tetuan Street sa tabi ng Gandara Street at inaasahang dadagsain ito kapag natapos na. Ang pagoda ay isang temple o memorial na may malalim na cultural at religious na kahulugan lalo na para sa mga Chinoy at ito ay puntahan ng mga nais magdasal.
Ibinahagi naman ni Ang na sa unang paghukay ay may mga natagpuang buhay na ahas sa ilalim ng lupa, na ayon umano sa paniniwala ng mga Chinese ay magdadala ng swerte.
Ani Ang, nagpapasalamat si Mayor Honey Lacuna sa Chinese-Filipino community sa Maynila na nag-volunteer para balikatin ang mga gastusin kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year, dahilan upang walang kailangang gastusin ang lungsod kahit isang kusing.
(JESSE KABEL RUIZ)
131