2 MAGSASAKA PATAY SA PAMAMARIL SA QUEZON

QUEZON – Kapwa patay ang dalawang magsasaka sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga bayan ng Sariaya at Tiaong sa lalawigang ito.

Unang napatay ang biktimang si alyas “Reynaldo”, 50-anyos, residente ng Lutucan Malabag, sa Sariaya, matapos na barilin ng hindi kilalang suspek habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay dakong alas-7:40 noong Biyernes ng gabi.

Hindi na ito nadala sa ospital at nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo sa krimen ng suspek na mabilis na nakatakas.

Samantala, ala-una naman ng madaling araw nitong Linggo nang barilin ng hindi kilalang suspek ang magsasakang si alyas “Joseph”, 33, residente ng Barangay Cabay, Tiaong , Quezon habang ito ay naglalakad sa kanilang barangay road.

Ayon sa imbestigasyon ng Tiaong Police, hinarang ito ng suspek at tatlong beses na binaril gamit ang kalibre .45 na baril.

Tinamaan ito sa ulo at katawan at agad namatay sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng tumakas na suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

46

Related posts

Leave a Comment