2 MOST WANTED PERSONS TIMBOG SA CAVITE

CAVITE – Arestado ng mga operatiba ng Cabanatuan City Police Station ang itinuturing nilang rank top 9 most wanted person (MWP) provincial level, sa pinagtataguan nito sa Dasmariñas City.

Kinilala ang suspek na si alyas “Xienna”, may kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Act of 2023.

Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Leonard Aries Paredes ng Dasmariñas City Police Station, ang Cabanatuan City Police Station ay nakipagkoordinasyon sa mga awtoridad sa Dasmariñas City Police, at isinilbi sa suspek ang warrant of arrest dakong alas-6:45 ng hapon noong Lunes sa Barangay Zone 4, Dasmariñas City, Cavite .

Samantala, nadakip din ang isang top 1 most wanted person sa kasong rape sa San Juan City, makaraang matunton sa pinagtataguan nito sa Silang, Cavite noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si alyas “Joseph”, may kasong 2 counts ng rape at sexual assault.

Ayon sa ulat ni Patrolam Lean Alejandro ng Silang Police Station, dakong ala-1:00 ng hapon noong Lunes, nagsagawa ng operasyon ang Silang Police Station, lead unit, kasama ang Eastern Police District (EPD) laban sa MWPs na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang EPD na namataan ang suspek sa Brgy. Biga 1, Silang, Cavite dahilan upang makipag-koordinasyon ito sa Silang MPS kung saan isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Mary Catherine O. Noblejas-Garcia, ng RTC Branch 14, Family Court, City of San Juan.

(SIGFRED ADSUARA)

219

Related posts

Leave a Comment