CAVITE – Natunton ng Cavite Police ang dalawa sa pitong hinihinalang mga suspek sa pagnanakaw ng tinatayang P.4 milyon halaga ng cash at gadgets sa Bacoor City noong Lunes ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong robbery, serious illegal detention at carnapping ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Kent”, 24, at “Mark”, 35, kapwa residente ng Brgy. Pinagsama, Taguig City, habang pinaghahanap ang lima pa nilang mga kasamahan.
Kabilang naman sa mga biktima sina alyas “Abe”, 23; “Xian”, 27; “Henrix”, 24; “John”, 27, pawang mga online gamers at alyas “Jumar”, 28, utility aide, pawang mga residente ng Bacoor City.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 noong Sabado ng gabi nang pasukin ng pitong kalalakihan ang isang bahay sa Panapaan 6, Bacoor City at iginapos ang mga biktima ng duct tape at tinangay ang tinatayang P400,000 halaga ng cash at mga gadget.
Bago tumakas ang mga suspek, ginamit nila na get-away vehicle ang isang Honda Accord na may plakang PIH 118 at isinama nila ang biktimang si alyas “Abe”.
Ngunit sa kanilang pagtakas, nasita sila ng mga operatiba ng Taguig City Police sa harapan ng Market Market Mall sa BGC, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek at narekober ang ilan sa kanilang mga kinulimbat habang nakatakas naman ang limang kasamahan ng mga ito.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Taguig City Police Station.
(SIGFRED ADSUARA)
169