BATAAN – Patay ang isang 60-anyos na babae at dalawa pang kasama nito sa bahay, sa pananaksak ng mismong live-in partner nito sa Brgy. Duale, sa bayan ng Limay sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.
Kabilang sa napatay sa insidente ang 11-anyos na apo nito at ang 70-anyos na babaeng kaanak nila na siyang may-ari ng tinutuluyan nilang bahay.
Kinilala ng Limay police ang mga namatay na sina Marie Sampang, apo nito na si Eign Yoj Sampang, at ang may-ari ng bahay na si Rosita Lobaton.
Ayon sa Limay police, dakong alas-10:00 ng umaga nang madiskubre ng anak na lalaki ni Lobaton ang insidente nang magtungo ito sa kanilang bahay. Nadatnan nito na wala nang buhay ang tatlo at pawang tadtad ng tama ng saksak.
Sa paunang imbestigasyon, nawawala at hindi na makontak ang live-in partner ni Sampang na si Arvin Paule o Arvin Martin, 35, kaya itinuturing na ito ng pulisya bilang ‘person of interest’ sa krimen.
Sa isinagawang hot pursuit operations ng PNP, nahuli ang suspek sa Lubao, Pampanga pasado ala-1:00 ng hapon noong Martes.
Nabatid na pinalayas ni Sampang ang live-in partner dahil sa madalas nilang pag-aaway.
Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong multiple murder.
(NILOU DEL CARMEN)
303