2 SUGATAN SA AKSIDENTE SA CAVITE

CAVITE – Kritikal ang kalagayan ng isang lalaki habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang isang babaeng rider makaraan ang magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.

Inoobserbahan sa Pagamutan ng Dasmariñas ang biktimang si Ernesto Toledo, nasa hustong edad, ng Brgy. Sampaloc 2, Dasmariñas City, dahil sa malubhang pinsala sa katawan habang nilalapatan ng lunas sa San Pedro Calungsod Hospital si Ghem Merk Talicuran, 25-anyos.

Napag-alaman, minamaneho ni Angelo San Juan Amparo ang kanyang Hyundai H-100 na may plakang NBF 8931, sa Emilio Aguinaldo Highway patungo sa direksyon ng Pala-Pala, nang mabangga nito si Toledo habang papatawid sa kalsada sa Brgy. San Agustin 1, Dasmariñas City, Cavite dakong alas-9:20 ng umaga.

Dakong alas-12:58 ng hapon, kapwa naman patungo sa direksyon ng Centennial Intersection ang minamanehong Mitsubishi Mirage na may plakang NIH 5968, ni Angela Castro Estimada, 62, at ang motorsiklong Yamaha Mio na minamaneho ni Talicuran.

Pareho nilang binabagtas ang Kalayaan Road, Brgy. Magdalo, Potol, Kawit, Cavite ngunit pagsapit sa lugar ng insidente, nag-signal light patungong kanan sa San Pedro Calungsod Hospital si Estimada.

Tinangka namang mag-overtake si Talicuran dahilan upang bumangga ito sa kanang pintuan ng sasakyan ni Estimada na nagresulta sa pagkasugat ng una. (SIGFRED ADSUARA)

297

Related posts

Leave a Comment