PATAY ang dalawang miyembro ng Philippine Army na kasama sa isinasagawang search and rescue operation sa bumagsak na Cessna plane sa Albay, nang tambangan ng hinihinalang mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) noong Lunes ng umaga.
Ayon sa pahayag ng Southern Luzon Command na nakabase sa Lucena City, kapwa agad namatay ang mga sundalong sina Pvt. John Paul C. Adalim, at Pvt. Mark June Esico dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang dalawa ay parehong kasapi ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ayon sa SOLCOM, habang nasa palengke ang dalawang sundalo sa Barangay Cotmon, Camalig, at namimili ng supplies ay limang armadong kalalakihan ang nag-abang sa mga ito at tatlo sa mga suspek ang walang habas na namaril sa mga biktima. (NILOU DEL CARMEN)
