215 PINOY BIKTIMA NG ILLEGAL RECRUITMENT SA ITALY

HINDI lamang sa Pilipinas nabibiktima ng illegal recruitment ang mga Pilipino dahil isinasagawa na ang krimeng ito sa ibang bansa tulad ng nangyari sa 215 kababayan na pinangakuan ng malaking sahod sa nasabing bansa subalit pagdating nila roon ay walang trabahong naghihintay sa kanila.

Ito ang nabatid mula kay House Committee on Overseas Workers Affairs chairman, Rep. Ron Salo kaya hiniling nito sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na tutukan ang kasong ito at makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa nasabing bansa.

“The crimes were committed within the jurisdiction of Italy, making it imperative to coordinate with the Italian authorities to ensure that justice is served. In criminal law, territorial jurisdiction is fundamental, and collaboration with local authorities is crucial to bring the perpetrators to account for their actions,” ani Salo.

Base sa report ng DFA, ni-recruit ang mga biktima ng dalawang ahensya at ilang indibidwal na nakabase sa Italy kung saan pinagbayad ang mga ito ng 3,000 Euros o P178,000 upang magtrabaho sa nasabing bansa.

Ang mga biktima ang naglakad ng kanilang sariling papeles sa Pilipinas subalit nabigo ang mga ito na makakuha ng visa sa Italian Embassy sa Manila matapos matuklasan na puro peke ang mga dokumentong ibinigay sa kanila ng mga recruiter.

Sa ngayon, 51 sa mga biktima na umano ang naghain ng reklamo subalit sa report ng DFA, ay 215 ang ni-recruit ng hindi pinangalanang mga suspek at recruitment agencies sa Italy.

Inatasan ng mambabatas ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at iba local authorities na mag-imbestiga kung may kasabwat sa Pilipinas ang inirereklamong mga indibidwal at recruitment agencies sa Italy.

(BERNARD TAGUINOD)

 

145

Related posts

Leave a Comment