TATLONG indibidwal na pawang mga residente ng Caloocan City, ang nagtangkang bomoto gamit ang pangalan ng ibang tao sa Raja Solaiman High School sa Urbiztondo St., Binondo, Manila.
Ayon sa mga tauhan ng Manila Police District-Meisic Police Station 11, bandang alas-11:00 ng umaga habang nasa kasagsagan ang botohan para sa SK at Barangay officials, nang dumating ang tatlong lalaki para bumoto.
Nabatid mula sa isang hindi na pinangalanang poll watcher, na nakahalata umano niya na hindi tunay na pangalan ng mga suspek ang gamit ng mga ito nang magtungo sa itinalagang Precinct 1089-A sa nasabing eskuwelahan.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang cellphone kung saan nakasulat ang pangalan ng apat na tumatakbong kagawad na umano’y iboboto sana ng mga ito.
Nabatid ng pulisya na P500 umano ang ibabayad sa flying voters kapalit ng kanilang mga boto.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente dahil may lima pa umanong kasama ang mga suspek na nakatakas nang madiskubre ang insidente.
(RENE CRISOSTOMO)
186