5-ANYOS PATAY SA CAMPAIGN SORTIE

DAVAO CITY – Isang 5-anyos na batang babae ang namatay sa isinagawang campaign sortie sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023, nang masalpok ito ng kotse na kabilang sa motorcade ng isang kandidato sa Barangay Bunawan Proper sa lungsod na ito.

Habang dumaraan umano ang motorcade ng isang partido para sa BSKE 2023 malapit sa bahay ng biktima, nang lumabas ito para bumili sa kalapit na tindahan sa Purok 17, Promise Land.

Sinasabing base sa pagsisiyasat ng Bunawan Police Station, kabilang ang kotse na nakabundol sa paslit, sa motorcade ng kandidatong tumatakbo sa lugar para sa barangay election.

Lumilitaw na bago nasagasaan ang bata, nakabangga pa ng isang motorsiklo ang kotse kung saan nasugatan ang driver at isa pang babae na bumibili rin sa tindahan.

Posible umanong nalito sa pangyayari ang driver ng kotse dahil sa halip na preno ang tapakan ay gas pedal ang nadiinan nito kaya kahit na paakyat ang kalsada ay nahagip ang mga biktimang nasa tindahan.

Ayon kay Station Commander P/Maj. Jake Goles, pansamantalang nakadetine sa Bunawan Police Station ang driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries, and damage to property.

Nabatid na agad na inako ng barangay officials ang mga pangangailangan ng namatayang pamilya at mga nasugatan sa insidente.

(JESSE KABEL RUIZ)

163

Related posts

Leave a Comment