ABOT-KAYANG PABAHAY SA MAHIHIRAP SA QC HANGAD NI MAYOR BELMONTE

ISUSULONG ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagtatayo ng abot-kayang pabahay sa loob ng lungsod para sa informal sector families’ (ISF) dahil naniniwala siya na ang informal workers ay may malaking bahagi ng lakas paggawa na nakakatulong sa paglago at pag-unlad ng kanilang lungsod at ng pambansang ekonomiya.

Inihayag ni Mayor Belmonte ang kanyang plano nang dumulog sa kanyang tanggapan ang ilang lider maralita sa pamumuno ni Amihan Dipasupil, presidente ng Samahang Nagkakaisang Magkakapitbahay ng 145 Calamba Street Inc. (SNMCI). Humingi ng tulong ang grupo para sa pagkakaroon ng relokasyon matapos ipag-utos ng korte na gibain ang may 50 bahay na umuokupa sa pribadong lupa sa Calamba Street, Barangay Sto. Domingo.

Sa pulong, nalaman ng alkalde na ang may-ari ng lote ay hindi nagbigay ng relokasyon o substansyal na tulong sa mga apektadong pamilya. Nabahala si Belmonte sa kapakanan ng mga bata nang malaman na ang mga informal settlers ay nagkampo sa kalsada matapos ang demolisyon ng kanilang mga bahay.

Bawat pamilyang apektado ng demolisyon ay tatanggap ng P35,000 na tulong pinansyal mula sa alkalde. Hindi kasama ang ilang pamilya na boluntaryong nag-demolish ng kanilang tahanan pagkatapos makatanggap ng katamtamang pabuya mula sa may-ari ng lote.

Ang tulong ng QC-LGU ay magsisilbing suporta sa bawat apektadong pamilya upang ipambayad sa kanilang uupahang bahay o silid habang sisimulan ng pamahalaang lungsod ang proyektong pabahay na balak nilang tapusin sa kasalukuyang taon.

Sinabi rin ni Mayor Belmonte na layunin ng kanyang administrasyon na isulong ang in-city housing project sa halip na ilipat sila sa malalayong relocation sites na karaniwang walang sapat na basic services tulad ng tubig at kuryente, maging ang kawalan ng trabaho.

“Kung ang mga informal settler na pamilya ay mananatili sa lungsod, makakatipid sila sa araw-araw na pamasahe papunta sa kanilang mga trabaho sa Quezon City,” ani Belmonte.

61

Related posts

Leave a Comment