HABANG naghahanda ang Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 elections, umaasa ito na maaamyendahan ang Omnibus Election Code upang mas mapadali ang mga botohan.
Ayon sa Comelec, sa 2025 ay magkakaroon ng dalawang halalan — ang midterm elections sa Mayo at ang BSKE elections.
Ngunit ang Batas Pambansa Bilang 881 o ang Omnibus Elections Code, naisabatas noong 1985, ay may mga probisyon na maaring malabo o hindi na naaayon sa panahon ngayon, ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Aniya napakahirap sa bahagi ng komisyon, kapag ang ipinatutupad ay isang nakatatanda nang batas.
Inihalimbawa ni Garcia ang kahulugan ng kandidato na sinasabi ng Seksyon 79 na ang “terminong kandidato” ay tumutukoy sa sinomang taong naghahangad o naghahanap ng elective public office, na naghain ng certificate of candidacy nang mag-isa o sa pamamagitan ng isang kinikilalang partidong pampulitika, aggroupment o coalition parties.
Para kay Garcia, dapat ay tukuyin kung kailan naging kandidato ang isang tao.
Sa katatapos na BSKE elections, ang ginawa ng Comelec ay isaalang-alang ang mga aspirante bilang mga kandidato sa paghahain ng kanilang certificate of candidacy (COC) at sa ngayon, ipinagbabawal na mangampanya sa labas ng campaign period gaya ng nakasaad sa Section 80 ng Omnibus Election Code.
Nais din ng komisyon na bigyan ng mas maraming ngipin ang batas sa paghahabol sa mga lumalabag.
Sa isyu ng vote buying, iminungkahi ni Garcia na makulong ng 10 taon ang akusado mula sa kasalukuyan na isa hanggang anim na taon.
Inaasahan din ni Garcia ang pagpapaubaya sa technicalities upang makakuha ng conviction.
Para sa Comelec, ang kandidatura ng ‘nuisance’ ay dapat ding gawing kasong kriminal para hindi na muling tumakbo ang mga taong gustong makagambala sa eleksyon.
Tungkol sa mainit na paksa ng paggastos sa halalan, naniniwala si Garcia, na panahon na para taasan ang halagang maaaring gastusin ng mga kandidato.
Para sa mga political party at kandidatong walang political party, limang piso kada botante ang limitasyon.
Itinutulak din ng Comelec ang paglikha ng mga regulasyon sa social media dahil ang mga kandidato ay gumagamit ng mga online platform sa kanilang mga kampanya.
Batid ni Garcia na isang mahirap na gawain ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code, ngunit umaasa siyang matutulungan sila ng Kongreso.
(JOCELYN DOMENDEN)
153