Anti-flood projects sa Montalban nirerepaso TAG-ULAN MAAGANG PAGHANDAAN – REP. NOGRALES

MULING nag-ikot si Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles at ininspeksyon ang sakop ng Upper Marikina River na malaking bahagi ng Montalban, na dinadaluyan at inaagusan ng iba’t ibang sangang-daanan ng tubig, munting ilog, maliit na sapa at batis para masolusyunan at hindi pagmulan ng pagbaha pagdating ng tag-ulan.

Bukod dito, kabilang sa mga ininpeksyon ni Nograles ay ang Puray River, Pakiing River, Lukutang Malaki River, Lukutang Maliit River, Bautista Creek, at Manggahan River, pawang nasa bayan ng Montalban.

Ang pag-apaw ng nabanggit na mga anyong tubig ang isa sa mga sanhi ng matinding pagbaha at rumaragasang tubig sa panahon ng tag-ulan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan si Cong. Nograles sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin at pag-aralan ang kasalukuyang estado ng ating mga imprastraktura at proyekto kontra-baha tulad ng mga flood barrier, control, at mitigation.

“Hangad po natin na paigtingin, konsolidahin, at ibayong patatagin ang mga proyekto ng DPWH bilang paghahanda sa darating na panahon ng tag-ulan,” ani Nograles.

Kung kaya’t habang hindi pa sumasapit ang tag-ulan ngayong taon ay sinisikap ni Nograles na magawan ng paraan na maisaayos ang mga posibleng pagmumulan ng mga pagbaha.

Kadalasan dumarating ang tag-ulan sa mga buwan ng Mayo, Hunyo at Hulyo na nagdudulot ng mga pagguho ng lupa, pag-apaw ng mga ilog, creek na naaapektuhan ang mababang mga lugar.

Malaking bahagi ng Montalban ay nasa mababang lugar, samantala ang iba namang barangay na nasasakupan nito ay nasa bulubundukin.

Patuloy rin ang pagsasagawa ng inspeksyon ni Nograles sa mga kalsadang baku-bako upang maisaayos sa lalong madaling panahon para hindi maabutan pa ng tag-ulan.

Ang Montalban ang isa mga bayan ng Rizal na may naiuulat na mga pagbaha at pagguho ng lupa sa tuwing dumarating ang panahon ng tag-ulan. (JOEL O. AMONGO)

 

290

Related posts

Leave a Comment