ANTI-GAMBLING LAW WALANG PANGIL VS GAMBLING LORDS

LUMALABAS na walang silbi ang batas laban sa illegal gambling dahil mula nang amyendahan ang Presidential Decree (PD) 1602 noong 2004 ay wala pang naipakukulong na mga gambling lord sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, hindi naitago ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez ang kanyang pagkadismaya na sa kabila ng mataas na penalty sa gambling lords at mga protector ng mga ito sa gobyerno, ay wala pang nakukulong kahit lantad na lantad ang pagpapasugal sa bansa.

“Mabigat ang batas na ito, ‘yung Republic Act (RA) 9287, ang tanong sa PNP (Philippine National Police), NAPOLCOM (National Police Commission), meron na ba tayong naparusahan? Dito sa batas na ito na itinaas na natin ang penalty ng mga perpetrators ng illegal gambling meron na ba tayong naipakulong?” tanong ni Fernandez.

Ipinaliwanag ng mambabatas na base sa nasabing batas na pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Abril 2, 2024, ang mga mananaya ay maaaring maipakulong ng hanggang tatlong buwan habang 10 taong pagkabilanggo sa mga kolektor.

Walong taong pagkabilanggo naman sa mga staff ng mga gambling operation at kukumpiskahin ang bahay, gusali, sasakyan na ginagamit sa operasyon ng ilegal na sugal.

Makukulong naman ng hanggang 12 taon ang maintainer, manager at operator ng ilegal na pasugalan; hanggang 14 taon naman sa mga financier at kapitalista at 20 taon sa kanilang mga protector sa gobyerno.

Kapag public officials aniya, elected man o appointed, ay tatanggalin sa puwesto at hindi na papayagang pumasok sa public service.

Gayunpaman, dalawang dekada na aniya ang nasabing batas ngunit wala pang gambling lords na naipakukulong sa kabila ng pag-amyenda sa PD 1602 na nagtaas ng parusa sa mga sangkot sa ilegal na sugal.

Sa manifestation naman ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, nais nito na hindi lamang ang mga ilegal na sugal sa CALABARZON ang dapat imbestigahan kundi sa buong bansa kaya ipinatawag nito ang lahat ng regional director ng PNP para sa nasabing imbestigasyon.

(BERNARD TAGUINOD)

38

Related posts

Leave a Comment