APELA NG TAGUIGEÑO SA MAKATI: PARKE IPAGAMIT SA MGA RESIDENTE NG EMBO

NAGKAKAISA ang tinig ng mga taga-Taguig na makabubuting simulan na lamang ang proseso ng pagtanggap at paghariin ang interes ng publiko imbes magmatigas si Mayor Abby Binay at patuloy na angkinin ang dapat ay para sa Taguigeño.

Kaugnay ito ng pinag-aagawang Makati Park and Garden. Nararapat anilang buksan ito para sa publiko dahil ito ay para sa mamamayan ng EMBO.

Ayon sa mga taga-Taguig, tinuldukan na ng Korte Suprema ang usapin. Walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa. Ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na ilegal na kinamkam ng Makati at inukupahan ng mahigit tatlong (3) dekada ang 10 EMBO barangay. Walang kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad gayong sila ang nahusgahang nangamkam ng teritoryo ng Taguig.

“Ipinagmamalaki ng Makati na ang mga naturang pasilidad ay ipinundar ng Makati. Pero hindi binabanggit ng Makati na mahigit tatlong dekada silang ilegal na kumulekta ng mga buwis sa lupain at negosyo sa EMBO, mga pondo na dapat ay sa Taguig napunta. Kaya papaanong masasabi ng Makati na sila ang nagpundar ng mga pampublikong pasilidad sa EMBO? Hindi kailanman nagiging may-ari ang magnanakaw ng bagay na kanyang ninakaw,” akusa ng isa sa mga taga-Taguig.

Kanila ring kinondena ang pagpapasara ni Binay sa health centers at pagkuha sa ambulansya ng DOH.

Sa kabila nito, agad nakapagtayo ang Taguig ng health center sa Southside, botika sa East Rembo at West Rembo, at assistance center sa Pembo. May telemedicine at shuttle service pa para dalhin ang mga pasyente sa mga PhilHealth-accredited health centers ng Taguig.

Bukas para sa residente ng EMBO ang lahat ng pangkalusugang pasilidad ng Taguig gaya ng – Taguig Pateros District Hospital (TPDH), 31 health centers, 3 super health centers, 7 primary care facilities, Dialysis Center, 5 Animal Bite Treatment Center, 3 main laboratories, 29 community-based laboratories, at partnership with Medical Center Taguig at St. Luke’s BGC.

Mayroon ding regular na Love Caravan na lubos na pinapakinabangan at ikinasisiya ng mga residente ng EMBO.

Masaya rin ang mga taga-EMBO sa iba pang mga serbisyo ng Taguig tulad ng Pamaskong Handog (na may dagdag na 10 kilo ng bigas), Scholarship (na para sa lahat at hindi lang sa top 10% ng graduating class), Birthday Cash Gift for Senior Citizens at Persons with Disabilities (na house-to-house ang pamimigay), Day Care Centers (na nasa totoong paaralan), flood control measures (na madalas), pailaw sa mga kalye (na agarang ginagawa), at Center for the Elderly at Center for Persons with Disabilities (na sa Taguig lang makikita).

(Danny Bacolod)

36

Related posts

Leave a Comment