DOJ ‘galaw-galaw’ MAY-ARI NG SIMS NA GINAMIT SA PANLOLOKO SAMPOLAN

HINIMOK ni Senate committee on public services Chairperson Grace Poe ang mga ahensya ng gobyerno partikular ang Department of Justice na sampolan ng implementasyon ng SIM Registration Law ang mga may-ari ng 27,000 SIMS na narekober sa isang POGO hub sa Pasay City.

Sinabi ni Poe na dapat matukoy ng mga telco kung kani-kanino nakarehistro ang mga SIM na narekober at ginagamit sa pang-iiscam.

Sa ganitong paraan ay magsisilbing deterrent ang batas sa mga nagbabalak pang ibenta ang kanilang identity at gamitin sa pagrerehistro ng mga SIM na ginagamit ng mga scammer.

Iginiit ni Poe na kahit pabigatin pa ang mga parusang ipapataw sa mga lumalabag sa batas kung wala namang nakikitang nasasampolan ay hindi rin magiging epektibo ang pagpapatupad nito.

Ayon sa DOJ, binigyan nila ng pitong araw ang mga telco upang tukuyin ang mga may-ari ng 27,000 SIMS at isumite sa kanila.

Mukha ng hayop nakalulusot

Samantala, dismayado ang mga senador sa ibinunyag ng National Bureu of Investigation (NBI) na kahit larawan ng hayop ay nakapagrehistro ng SIM.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief, Atty Jeremy Lotoc, isang gabi bago ang pagdinig ng Senado, sinubukan nilang magrehistro ng mga SIM card sa iba’t ibang telecommunication companies na ginamitan nila ng iba’t ibang pangalan at picture ng unggoy.

Ayon kay Lotoc, patunay ito na sa kabila ng ipinatutupad na SIM registration law, maaari pa ring magparehistro ang kahit na sino gamit ang pekeng identity.

Ito rin ang naging dahilan ni Lotoc kaya medyo nahihirapan sila sa pagtunton sa mga sangkot sa text scam.

Sinabi ni Senador Grace Poe na nakalulungkot dahil sa kagustuhan ng mga telcos na marami silang subscribers ay pinadali nila nang husto ang pagrehistro.

Hindi naman makapaniwala si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa inihayag ng NBI at kinastigo ang mga telco sa kapabayaang ito.

(DANG SAMSON-GARCIA)

197

Related posts

Leave a Comment